Ang Panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagpapanibago - pagbabanibago ng mga ipinangako natin sa Binyag; pagpapanibago ng ating pagiging anak ng Diyos.
Bilang mga anak ng Diyos tayo ay tinatawag na magtiwala sa Ama. Kaya't magandang pagkakataon ang kuwaresma na kamustahin ang pagtitiwala natin sa pag-ibig at pagkalinga sa atin ng Diyos.
Sino ang tunay na nagtitiwala sa Diyos? Ang tunay na nagtitiwala sa Diyos ay hindi lamang yung tumatawag sa kanya sa panalangin. Ang tunay na nagtitiwala ay iyong pagkatapos sabihin sa Diyos ang kanyang hiling, pagkatapos magdasal sa Diyos, ay handang tanggapin ng walang pag-aalinlangan ang sagot ng Diyos, Oo, o Teka, o HIndi. Ito lang naman ang maaring isagot ng Diyos sa mga dasal natin: oo, teka, o hindi.
Ang tunay na nagtitiwala sa Diyos ay iyong pagkatapos sabihin sa Diyos ang gusto niya, ay tunay na hinahangad na matupad ang gusto ng Ama. Di man lubos na nauunawaan ang gusto ng Diyos, nagtitiwalang laging mabuti ang laman ng puso ng Diyos.