Saturday, February 9, 2008

TUKSO

The gospel for the first Sunday of Lent talks about the temptations Jesus had while in silence and solitude in the desert -- an experience that is shared by all of us.

Sabi ni San Igancio ng Loyola na ang tukso ay parang isang napakagandang babae, kaakit-akit.

Ito ang naranasan ni Jesus habang siya ay nag-iisa sa ilang, nananahimik, nananalangin at nag-aayuno. Ang kaakit-akit na tukso na papawi sa gutom at mabusog. Ang kaakit-akit na tuksong maranasan ang kamangha-manghang kapangyarihan ng Diyos sa pamamgitan ng kanyang pagliligtas. Ang kaakit-akit na tuksong matamo ang lahat ng kapangyarihan at kayamanan ng sanlibutan kapalit ng pagsamba sa diyablo. Kaakit-akit ang tukso, subalit hindi naakit si Hesus.

Lahat ng tukso kaakit-akit. Walang tuksong pangit, o hindi maganda. Dahil kung hindi maganda ang tukso, kung pangit ang tukso, kung hindi kaakit-akit ang tukso, walang bibigay sa atin sa tukso. Walang papayag sa tukso. Kaya lahat ng tukso kaakit-akit, kaya lang ang tukso sinungaling. Ang tukso mapagkunwari. At kung matatanto lamang natin ang pagkukunwari at kasinungalingan ng tukso walang hindi tayo bibigay sa tukso.

Paano ba natin mapaglalabanan ang tukso? Dalwang bagay lang. Una, sa pamamagitan ng pagdarasal. Kung tapat tayo sa pagdarasal, kung tapat tayo sa pakikipag-ugnayan sa Diyos, may pagkukuhanan tayo ng lakas para mapagtagumpayan ang tukso. Kung aasa lang tayo sa sarili nating lakas, aminin natin, na madalas mahuhulog tayo sa pangaakit ng tukso. Pero kung malakas ang kapit natin sa Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos ang magiging lakas natin laban sa tukso. Ikalawa, sa pamamagitan ng katotohanan. Dahil sinungaling ang tukso, dahil mapagkunwari ang tukso, makikita lang natin ang tunay na mukha ng tukso kung nabubuhay tayo sa katotohanan. Kung nabubuhay tayo sa patung-patong na pagkukunwari darating ang panahon na tayo mismo hindi na natin alam kung alin ang totoo, magiging mahirap sa atin makita ang pagkukunwari at pagsisinungaling ng tukso, at madali tayong bibigay sa mapang-akit na tukso.

May mga tuksong madali lang labanan. May mga tukso namang kahit na anung pilit natin layuan ay laging nandiyan. Anumang klase ng tukso, huwag sanang kalilimutang gaano man kaakit-akit ang tukso laging nagkukunwari at sinungaling. Kung makikita lang natin ang tunay na mukha ng kaakit-akit na tukso sigurado ako hindi tayo bibigay. Sikaping mabuhay sa katotohanan upang di malinlang ng tukso, at sa pamamagitan ng seryosong buhay panalangin, sa biyaya ng Diyos, alam natin ang tukso kayang-kaya nating mapagtagumpayan. Amen.