Friday, February 29, 2008

MANALANGIN, MAGBITIW, MAGBAGO

Magulo na naman ang Pilipinas. Maingay na naman sa kalsada.Nagpapaalala sa atin na ang korupsyon na nilabanan sa EDSA 1986, ang katiwaliang nilabanan sa EDSA 2001, ay nandyan pa rin. Tahimik na inuubos ang kaban ng bayan. Tahimik na pinahihirapan ang matagal nang naghihirap na bayan.

Kung akala natin na sa gitna ng ingay at gulo ay puede tayong hindi makialam, nabubulagan tayo. Sapagkat ang ingay at gulong iyan ay dahil sa pakikipaglaban sa masama. At kung ikaw ay tunay na Kristiyano, kung ikaw ay tunay na anak ng Diyos, ikaw ay sundalo laban sa masama. At kung hindi mo lalabanan ang masama, kakampi ka ng masama. Dahil ang masama ay nagwawagi dahil walang ginagawa ang mabuti.

Ano ba ang puedeng gawin?

Unang-una, pinakamahalaga sa lahat, MANALANGIN. Magdasal para sa katotohanan. Magdasal para sa katapatan. Magdasal para sa liwanag ng Diyos. Magdasal para hindi panghinaan ng loob, para hind mawalan ng pag-asa. Magdasal para sa sarili at para sa lahat ng Pilipino. Magdasal para sa bayan at sa lahat ng nasa puwesto.

Subalit huwag nating kalilimutan na ang tunay na panalangin ay hindi natatapos sa pagpapatirapa sa harap ng Diyos. Ang tunay na panalangin ay namumunga ng pakikisangkot, namumunga ng pagkilos.

Kung sa inyong pagdarasal ay natanto ninyo na ang sagot sa ingay at gulo ngayon laban sa masama ay ang pagbabago mula sa itaas-pababa, mula sa pagbibitiw ng nasa itaas, sige ipaglaban ninyo. Humayo kayo at isigaw ang pagbibitiw ng nasa itaas. Pero siguraduhin nyo lang na ang inyong pagkilos ay hindi para sa sarili, kundi para sa kabutihan ng lahat. Siguraduhing mapayapa at walang gulo. Siguraduhing ang inyong pagkilos ay galing sa pagdarasal.

Kung sa inyong pagdarasal ay natanto ninyo na ang sagot sa ingay at gulo ngayon laban sa kasamaan ay ang pagbabago mula sa ibaba-pataas, mula sa pagbabago sa maliliit na bagay papalaki, sige simulan nyo. Simulan sa inyong sarili, sa inyong pamilya, sa inyong pamayanan, sa inyong kapitbahayan. Siguraduhin nyo lang na ito ay para sa kapakanan hindi ng sarili, kundi sa kapakanan ng lahat. Siguraduhing hindi ningas kugon. Siguraduhing ang inyong pagkilos ay galing sa pagadarasal.

Tayo ay mga anak ng Diyos, mga Kristiyano, kung tayo ay kikilos ng hindi galing sa pagdarasal, ng hindi galing sa pakikiisa natin sa Diyos, tayo ay kikilos ng walang ugat, walang tanglaw, at walang malinaw na patutunguhan.

Maingay na naman ang Pilipinas. Magulo na naman sa kalsada. Kung akala nating sa gitna ng ingay at gulo ay puede tayong hindi makialam, tayo ay nagbubulagbulagan. Wala tayong pinag-iba sa taong bulag sa ebanghelyo. Kilangan natin si Jesus. Kailangan natin ang kanyang pagpapagaling. Kilangan natin ang kanyang liwanag. Kaya, makisangkot. Makialam. Sige humayo kayo, manalangin at kumilos ayon sa tanglaw ng liwanag ni Kristo.

Malaki ang pasasalamat ko sa Pastoral Letter ni Bishop Soc para sa pagninilay na ito. Salamat po.