The season of Lent gives us lessons on renewing our faith in God, the faith we have been blessed in baptism.
Noong unang Linggo ng Kuwaresma narinig natin ang kuwento ng panunukso kay Jesus sa ilang. Isang paalaala sa ating nakiisa ang Diyos sa ating pagkatao. Sa pagkakatawang tao ni Jesus, ang Anak ng Diyos, niyakap ang buong buo ang ating pagkatao, maliban sa kasalanan. Inampon ng Diyos ang ating kahinaan sa pagkalinga at pagmamahal. Pinili tayo ng Diyos upang maging mga anak niya sa gitna ng ating kalagayan bilang tao. Sa pagkatao ng anak ng Diyos, ginawang banal ang ating pagkatao, tinanggap at pinili ang kalagayan ng pagiging tao.
Noong ikalawang Linggo ng Kuwaresma narinig natin ang kuwento ng Pagbabagong Anyo ng Panginoon sa bundok ng Tabor. Isang paalaala na ang kahinaan ng tao, ang kalagayan ng taong inamapon ng Diyos ay kanyang papanibaguhin sa buhay na walang katapusan. Ang pagparito ni Jesus ay ang pagdadala ng buhay na ganap at kasiyasiya. Niyakap ni Jesus ang buhay ng tao, pati ang kahinaan nito, upang panibaguhin ang buhay na ito sa walang hanggang liwanag ng buhay ng Diyos. Ito ang biyaya ng sakramento ng binyag.
Subalit kailangang alagaan ang buhay na ito. Kailangang bigya ng sustansiya. Kung baga sa halaman, kailangang diligan. Ito ang paalaala ng ebanghelyo ngayong ikatlong Linggo ng kuwaresma -- ang kuwento ni Jesus at Samaritana sa may balon. Sinabi ni Jesus sa Samaritana, "Ang uminom ng tubig na ito'y mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hidn na muling mauuhaw. Ito'y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." [Jn 4:13-14] Ang tubig na magbibigay ng sustansiya, lakas at buhay na walang hanggan, sa buhay na inampon at pinapanibago ng Diyos ay magmumula kay Jesus. Siya ang magkakaloob ng tubig na magiging bukal sa kalooban ng tao.
Paano natin matatagpuan ngayon ang tubig na ito na nagbibigay buhay? Hayaan ninyong magbigay ako ng tatlong bukal.
Una, ang bukal ng salita ng Diyos. Ang salita ng Diyos ay pagpapakilala ng kanyang pagmamahal sa tao. Ang salita ng Diyos ang kuwento ng wagas na pag-ibig ng Diyos sa kanyang bayan. Ang salita ng Diyos ang liwanag na tangalw natin sa ating daan.
Pangalawa, ang bukal ng Sakramento, lalung lalu na ng Sakramento ng Eukaristiya at Sakramento ng Pakikipagkasundo. Kitang kita sa banal na misa kung paano ang katawan ni Kristo ay tinapay na nagbibigay buhay at ang kanyang dugo ay kalis na nagbibigay ng kaligtasan - mga pagkain ng diwang Kristiyano na magbibigay ng lakas at sustansiya sa buhay pananampalataya.
Pangatlo, ang bukal ng kapwa tao. Minsan ng ipinangako ni Jesus na kung sinumang nagkakatipon sa kanyang pangalan, siya ay kasama nila. Ang pagkakabuklud-buklod, pagkakaisa, pagmamalasakit, pagdadamayan, ay mahahalagang balon ng supporta at pagtutulungan upang mag-akayan tungo sa kandungan ng Ama. Nagiging bukal ng lakas at tibay ang kapwang humaharap sa pagsubok at nagpapasan ng krus araw-araw.
God has become one with our humanity in Jesus Christ, complete even in the face of temptation. God takes on our humanity and transforms it into the life of God, thant knows no end. A transformation that is sustained by the living water that nourishes the divine life in us. Today, we are nourished through his Word, through the Eucharist and Reconciliation, and through our neighbors.
May we not let this season pass without finding the well of Jesus' life-giving water - his Word, his Sacraments, our neighbors. Amen.