Friday, February 29, 2008

PASTORAL LETTER OF BISHOP SOC VILLEGAS

Sulat Pastoral ni Bishop Soc Villegas Para sa Diyosesis ng Balanga

Ang may paningin ay tumingin at magmasid. Ang may paningin ay magbantay at magtanod. Tunay nga na ang pagbabantay at pagtatanod ay maliit na kabayaran nating kapalit ng pananatiling maging lahing malaya at bayang marangal.

Maingay na naman ang bayan. Kailangan nga tayong mag-ingay sapagkat ang nakawan sa kaban ng bayan ay tahimik na nagaganap nang hindi natin namamalayan. Dahan dahan tayong nasasanay sa mga gawi ng mga sinungaling. Tahimik tayong nadadala sa mga gawi ng mga mandarambong. Ang nasa kapangyarihan ay halos ginawa ng hanapbuhay ang pangungurakot. Ang mga kalaban naman ay parang naglalaway na naghihintay sa kanilang panahong mangurakot din kapag napatalsik na ang kasalukuyang pinuno.

Ang may paningin ay tumingin at magmasid. Pati na marahil ang mga bulag ay alam ang kurakot sa ating pamahalaan. Ang hindi na lamang nakakaalam ang mga nagbubulag-bulagan.

Marami nga ang nagbubulag-bulagan na lamang. Wika ng mga nagbubulag-bulagan: "Marami namang gumagawa niyan. Tumutulong naman sila sa amin kahit nangungurakot sila. Wala naman silang masamang ginagawa laban sa pamilya ko. Matagal ng ganyan yan. Hindi na mababago yan".

Ang masama ay nagwawagi sapagkat ang mga taong may paningin ay nagbubulag-bulagan.

UNA SA LAHAT, MANALANGIN!

Sa harap ng dilim na hatid ng pagiging bulag, ang ating unang lunas ay panalangin. Lumapit tayo kay Jesus na liwanag at sabihin natin "Nais ko pong makakita" Maaari nating ibulong kay Jesus na buksan ang mata ng lahat upang makakita. Tingnan sana natin ang lahat mula sa pananaw ng Panginoon.

Hindi sapat ang panalangin. Ang panalangin ay dapat na magbunsod sa atin upang magpakasakit. Hindi rin sapat ang pagpapakasakit. Ang pagpapakasakit ay dapat na maghatid sa atin sa kawang gawa at pagmamalasakit sa kapwa. Ang tunay na palanangin ay dapat na maghatid tungo sa pag-aalay sa kapwa.

TUNGO SA PAKIKISANGKOT!

Ito ang kailangan ng bayan—panalanging may pagkilos. Ang pagkilos ay bunga ng matiyagang pag-aaral at pagninilay. Ang pagkilos na hindi nagmumula sa panalangin at pagninilay ay madalas na mahina ang ugat at mapait ang bunga.

Ano ang mga pagkilos na dapat natin gawin?

Ang lahat ng pagkilos ay dapat na maghatid sa atin sa paghihilom ng ating lipunan. Ang lahat ng pagkilos ay dapat na umakay sa atin sa pagpapanumbalik ng pamumuhay na marangal at malinis. Ang anumang ating pagkilos ay dapat na maglantad sa buong katotohahan.

Kung napag-isipan ninyo na ang panawagan para sa pagbibitiw ng mga may kinalaman sa nakawan sa pamahalaan ay siyang lunas, maaari kayong manawagan nang gayon subalit gawin ito sa paraang mapayapa at makatotohahan at ayon sa batas. Kung udyok ng inyong konsensiya na mag noise barrage o mag rally, humayo kayo at gawin ito subalit tiyakin nating malinis ang kalooban.

Kung ang inyo namang pananaw ay itaguyod muna ang pagpapanibago at huwag manawagan para sa pagbibitiw, maaari rin ninyo itong gawin subalit tiyaking ang inyong panawagan ay pinakikinggan, ang mga pangako ay natutupad at hindi napaglalaruan lamang.

Anuman ang inyong ipasyang pagkilos, tiyaking ito ay galing sa panalangin! Tiyaking ito ay may may paggalang sa batas at hindi marahas! Tiyaking ito ay para sa bayan at hindi para sa sariling kapakanan.

Liwanagan nawa ni Jesus ang ating pananaw at paningin! Paghilumin nawa ni Jesus ang sugat ng ating bayan. Kailangan natin ng liwanag! Amen!

Mula sa Katedral ng San Jose, Lungsod ng Balanga, Ikalawa ng Marso, 2008

+SOCRATES B. VILLEGAS

Obispo ng Balanga