Wednesday, February 6, 2008

DUMI SA NOO

Sa pangkaraniwang araw nililinis natin ang ating mukha; ang dumi inaalis. HIndi tayo lumalabas ng bahay hangga't hindi naghihilamos. Napakaraming itinitinda na ginagamit para linisin ang mukha: ponds, nivea, oil of olay, eskinol, etc. Pero sa araw na ito, isang araw na di-pangkaraniwan, dinudumihan natin ang ating mukha; lalagyan natin ng abo ang ating noo. Bakit?

Dahil meron tayong inaamin. Meron tayong ipinapahayag. Una, inaamin natin na tayo ay hindi pa lubusang malinis; hindi pa tayo lubusang maayos; hindi pa tayo lubusang mapayapa; hindi pa tapos ang pakikibaka. Malinis at maayos man sa labas, meron pang dapat isaayos sa kalooban. Sa paglalagay ng abo sa ating noo, inaamin nating hindi pa lubos na malinis ang ating puso, ang ating kalooban. Ikalawa, inaamin natin na tayo ay may pag-asa pang luminis; may pag-asang magbago. Sinasalungat natin ang mga nagsasabing ganito na talaga tayo; wala na tayong magagawa. Inaamin nating sa tulong ng Diyos meron pang pag-asa sa pagbabago, at ngayon ang tamang panahon para magsimula.

Walang saysay ang mga abo sa ating noo, kung walang pag-amin na di pa tayo lubusang malinis, at sa tulong ng Diyos may pag-asang maging malinis. HIndi pa lubos ang ating pagbabago at sa biyaya ng Diyos may pag-asa pang magbago. At ngayon ang tamang panahon.