Saturday, February 2, 2008

HAMAK, WALANG HALAGA, WALANG KABULUHAN

Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan.

Anu-ano ba ang itinuturing na mahalaga ng sanlibutang ito? Narito ang ilan: Kapangyarihan [kaya nagpapatayan sa eleksyon], Kasikatan [kaya milya-milya ang haba ng mga pumipila sa Star Circle Quest at sa Starstruck], Kayamanan [kaya gagawa ng masama magkapera lang]. Hindi ko sinasabing hindi natin ito kailangan. Kailangan natin ito, pero sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, kahit wala itong mga ito, puede pa ring sumunod sa Diyos.

Isinulat ni San Pablong ang mga ito ay pinawawalang-halaga ng Diyos dahil pinili niya ang hamak, walang halaga, at walang kabuluhan. Kaya’t walang sinumang makapagmamalaki sa harap ng Diyos.

Hindi kailangang may kapangyarihan sa lipunan para tumulong.

Hindi kailangang sikat para maglingkod.

Hindi kailangang mayaman para magbahagi.

Sino ang nagpapaaral sa 62 na scholars ng ating parokya? Mga pulitiko ba? Ang Barangay ba? Hindi. Ang mga karaniwang parishioner ng Transfi na may kusang loob sa pagbibigay kahit na kaunti upang makatulong sa mga nangangailang mga estudyante. Sa mata ng sanlibutan sila ay hamak, pero sila ang mga hamak na pinili ng Diyos.

Sino ang nag-aayos linggu-linggo ng mga bulakalak, at gumagawa ng mga dekorasyon sa simbahan? Kilala nyo ba? Hindi, dahil hindi sila sikat at sigurado ako hindi nila kailangang sumikat. Sila ang mga karaniwang parishioners na boluntaryong ibinabahagi ang kanilang pera, kakayahan at panahon para sa simbahan. Sa mata ng sanlibutan sila ay walang halaga, pero sila ang mga walang halaga na pinili ng Diyos.

Sino ang mga nagdonate ng pera para maipa-granite natin ang ating sanctuary? Ang mayayaman lang ba? Hindi. Hindi nyo alam na tuwing manghihingi ako ng donasyon para sa mga gawain dito sa parokya laging may dumarating na sobre na mga barya ang laman galing sa mga tindera sa palengke. Hindi mayayaman yan. Pero marunong magbigay. Sa mata ng sanlibutan sila ay walang kabuluhan, pero sila ang mga walang kabuluhan na pinili ng Diyos.

We do not need to have power in order to help.

We do not need to be popular in order to serve.

We do not need to be rich in order to give.

What we need is a humble heart, ready to heed the call of the Lord.

Ang kailangan ay isang pusong mapagpakumbaba dahil ang pinipili ng Diyos ay ang hamak, ang walang halaga, at walang kabuluhan.

May mga taong gagawin ang lahat para sumikat, at kapag-sikat na tatakbo sa eleksyon para maluklok sa poder ng kapangyarihan at doon ay magpapayaman. Nasa kanya na ang lahat ng mga bagay na pinahahalagahan ng sanlibutang ito. Pero hindi sa mata ng Diyos.

Paalala ng pagbasa na hindi kailangan ang lahat ng ito para sumunod kay Kristo. Ang kailangan lang isang pusong mapagkumbaba, dahil pinipili ng Diyos ang mga payak at hamak.

Pipiliin ka kaya ng Diyos?