Saturday, October 13, 2007

THANKSGIVING 2

Thanksgiving. Gratitude. Pasasalamat. Ito ang menasahe ng ating mga pagbasa ngayon.

Sa unang pagbasa, si Naaman, isang kumander ng mga sundalo, ay gumaling sa kanyang ketong sa pamamagitan ni propeta Elisha. Bumalik siya kay Elisha para magpasalamat.

Sa ikalawang pagbasa, pinapaalala ni San Pablo kay Timoteo na si Jesus ang pinakamahalang handog na ibinigay sa atin ng Ama. Kaya’t ang buong buhay natin ay isang pasasalamat sa Diyos.

Sa ebanghelyo, sampung ketongin ang pinagaling ni Jesus, subalit sa sampung gumaling isa lamang ang bumalik para magpasalamat kay Jesus. Tanong ni Jesus, “Hindi ba sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam?”

First ending:

(Madalas mangyari sa akin to, sa isang homily, meron ilang ending, hindi pa ako decided kung alin dito sa dalawa ang gagamitin ko; this ending emphasizes proper participation in the eucharist.)

Ang pinak-mataas na pasasalamat na ating maihahandog sa Diyos ay ang banal na Misa. Dahil ang Misa ay Eukaristiya, at ang ibig sabihin ng Eukaristiya ay pasasalamat, o thanksgiving. Kung ang pinunta lang natin dito sa misa ay para humingi, hindi kumpleto ang ating pagsisimba. Kung ang pinunta lang natin dito sa misa ay para maglabas ng problema, para magawa ang obligasyon, para tumanggap lang ng komunyon at walang pasasalamat sa Diyos, hindi buo ang ating pagsisimba.

Kung wala kang nakikitang dahilan para magpasalamat sa Diyos hindi ka handa para sa misa. Kung wala kang dapat ipagpasalamat sa Diyos, hindi kumpleto ang pagsisimba mo. Dahil ang misa ay Eukaristiya, at ang ibig sabihin ng Eukaristiya ay pasasalamat. At kung walang pusong nagpapasalamat, wala ang tunay na diwa ng misa.

Ikaw, bakit ka nagsisimba? Halina at laging magpasalamat sa Diyos! Amen.

Alternate ending:

(This ending emphasizes the challenge of genuine thanksgiving, that is, living with the attitude of gratitude.)

Huwag kalimutang mag-thank you. Itinuro na po sa atin ito nung tayo ay mga bata pa. Subalit tila nakakalimutan na natin. Sa misang ito pinapaalalay muli sa atin. Huwag makalimut magpasalamat, lalu na sa Diyos.

Meron pong nagsulat: Genuine thanksgiving should become thanks-living. Ang tunay na pasasalamat sa Diyos ay hindi lamang sa pagsasabi ng “Salamat.” Ang tunay na pasasalamat sa Diyos ay mabuhay nang may pusong nag-uumapaw sa pagpapasalamat; ang mabuhay bilang mabuting anak ng Diyos. At ipangako kasama ni Naaman sa unang pagbasa, “Mula ngayon hindi na ako maghahandog sa ibang diyos maliban sa Panginoon.” Amen.