Kapag bumibisita ako sa maysakit, pagkatapos ng kuwentuhan at kamustahan lagi kong itinatanong kung gusto nilang magkumpisal. Marami ang gustong magkumpisal. Pero paminsan-minsan may mga pagkakataon na sila ay tumatanggi at sinasabi, “Wala naman akong kasalanan e. Bakit ako magkukumpisal?”
Minsan ganyan ang tingin natin sa panalangin, sa pagdarasal. Wala naman akong sasabihin. Wala naman akong hihilingin. Wala naman akong kailangan. Wala naman akong pagkukulang. Wala naman akong hinaing. Wala naman akong isusumbong. Wala naman akong reklamo. Bakit ako magdarasal?
Kapag ganito ang ating pag-iisip, ang panalangin ay parang Clinic. Pupuntahan lang kapag may kailangan sa doctor. Pupuntahan lang kapag may masakit, kapag may nararamdamang hindi maganda sa sarili natin, kapag may reklamo sa pakiramdam, kapag may kulang sa kalusugan. Pero pagwala – pag walang nararamdan, walang masakit, walang panghihina, hindi pupunta sa clinic.
Sabi ng ebanghelyo: dapat manalangin lagi at huwag manghinawa. Sabi ng ikalawang pagbasa: napapnahon man o hindi. Dapat manalangin lagi, may hihingin man o wala, may hinaing man o wala, may sasabihin man o wala. Dahil ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos at ang pakikipag-usap ay mahalaga sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Sa panalangin, sa pakikipag-usap sa Diyos lumalago, lumalalim at tumitibay ang pakikipag-ugnayan sa Kanya.
Meron isang paring nagdarasal sa gilid ng ilog, at merong isang lalaking nanonood sa kanya. Lumapit ang lalaki sa pari, "Father, turuan mo akong manalangin." Nag-isip ng matagal ang pari. Pumayag din sa bandang huli. Dinala ng pari ang lalaki sa gitna ng ilog, hinawakan sa ulo, at biglang inilublob sa tubig. Hindi agad inangat ng pari ang ulo ng lalaki hangga’t ito’y nagpumiglas at dali-daling umahon. Nagalit ang lalaki sa pari: “Bakit mo ginawa yun. Gusto mo ba akong patayin?” Napangiti ang pari at sabi, “Kapag gusto mo nang manalngin tulad ng pangangailangan mo sa hangin, matututo ka nang manalangin.”
Ang pagdarasal ay tulad ng hangin. Kung walang hangin mamatay ang tao. Kung walang panalangin mamatay ang Kristiyano. Gusto mo bang matutong manalangin? Kapag gusto mo ng manalangin tuald ng pangangailangan mo sa hangin, matututo ka nang manalangin.