Friday, October 19, 2007

ISANG SIMPLENG PANAWAGAN

Ipaalam po sana natin sa mga kandidato ng barangay elections na gusto natin sa mga opisyal natin ay iyong marunong sumunod sa batas, kahit gaano kaliit. Paano po natin ito magagawa?

Ang mga kandidato ay hindi maaring maglagay ng poster kahit saan. Merong mga designated area para sa poster. Hinid puede sa mga poste. Hindi puede sa mga kable ng kuryente. Hindi puede sa mga polling places. At kung sa private property maglalagay dapat may permiso sa may ari. Kaya po kung sa mga gate at mga pader ng bahay niyo ay may nakadikit na poster ng walang paalam sa inyo, ALISIN NINYO. Bawal po yan at walang magagawa ang mga kandidato kung aalisin. ALISIN NATIN ang mga posters sa mga lugat na hindi dapat nilalagyan nito.

Sa mga kandidato, huwag sana kayong gumaya sa mga ginagawa kapag national elections -- kung saan-saan nagdidikit ng poster nila. Magdikit lang ng poster sa designate area. Alang-alang sa barangay na nais paglingkuran, huwag dumihan, huwag babuyin.

Paglilingkod at pagmamahal sa barangay ang kadalasang dahilan kaya tumatakbo sa isang pusisyon. Simulang sana nating paglingkuran at mahalin ang barangay sa kampanya pa lang, hind lamang kapag nanalo na. At isang tanda ng pagmamahal sa barangay -- huwag dikitan kung saan-saan, huwag dumihan, huwag babuyin.

Sama-sama po sana nating ipaalam sa mga kandidato na ang gusto natin ay mga kandidatong marunong gumalang sa batas, at marungon sumunod dito, gaano man kaliit.