Sa ebanghelyo, may mga taga-Galileo na pinatay ni Pilato. May labing walong katao ang namatay sa pagbagsak ng tore ng Siloam. At may mga nag-iisip na kaya ito nangyari sa kanila dahil mas makasalanan sila; dahil mas malalaki ang kanilang kasalanan.
Para na rin nilang sinabi na yung labing isang namatay at higit sa 100 nasugatan sa Glorietta noong nakaraang linggo ay mas makasalanan at mas malalaki ang pagkakamali kaya sa kanila nangyari iyon. MALI! Yan ang mariing sabi ni Jesus.
Kung merong aral na puede tayong matutunan sa nangyari sa Glorietta, hindi ang mas makasalanan sila sa atin, kundi ang maging handa. Maging handa sa oras ng kamatayan. At para sa isang Kristiyano ang pagiging handa ay ang pagiging tapat sa Diyos. Ang pagsunod sa Diyos ay hindi minsanang pag-oo sa kanya, kundi araw-araw na pag-oo sa kanyang mga atas.
Manatiling tapat sa Diyos upang kahit kailan, kahit saan, dumating ang oras natin, biglaan man o matagal, sakit man o aksidente, tayo ay handa dahil tayo ay nasa piling ng Ama.