Friday, October 26, 2007

HINDI PUEDENG LAHAT BIDA

Nakapanood na ba kayo ng hearing sa senado o kaya sa kongreso. Pinapalabas yan live sa telebisyon. Ilang beses na akong nakapanood [hearing ng conivance ng military at abu sayyaf; hearing ng ZTE deal]. Hindi niyo ba napapansin laging magulo? Bakit? Kasi lahat gustong maging bida.

Sa isang samahan, sa isang komunidad upang maging mabunga ang samahan hindi puedeng lahat bida. Kailangan may bida at may susuporta. Hindi puedeng lahat mangunguna. Kailangan may mangunguna at may taga-sunod. Hindi puedeng lahat ay lider. Kailangan may lider at may follower. Hindi puedeng lahat bida.

Sa pagdarasal kailangan maging malinaw sa atin kung sino ang bida. Hindi tayo. Kaya mali ang dasal ng Pariseo: Dalawang beses AKONG nag-aayuno. Nagbibigay AKO ng ten percent ng aking kinikita. Salamat at hindi AKO katulad ng iba. Sa panalangin ng Pariseo, siya ang bida, si AKO ang bida.

Sa pagdarsal hindi tayo ang bida. Ang Diyos ang bida. At naunawaan ito sa pagdarasal ng publikano: O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang kasalanan. Sa panalangin ng isang publikano, ang habag ng Diyos ang bida, ang Diyos ang bida.

Ang tunay na panalangin ay kababaang loob. Dahil sa harap ng Diyos wala tayong maaring ipagmalaki. Lahat ng meron tayo ay galing sa Diyos. At kung sino tayo ngayon ay dahil sa kanyang pagkalinga.

Sa buhay Kristiyano hindi tayo ang bida. Sa buhay ng Kristiyano, ang tunay na bida ay ang Ama.