Saturday, October 6, 2007

PANANAMPALATAYANG BUHAY

"Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, 'Mabunot ka, at matanim sa dagat!' at tatalima ito sa inyo."

Nakakita na ba kayo ng buto ng mustasa? Alam nyo ba kung gaano ito kalaki? Alam nyo ung linga, o sesame seed. Kalahati nun, ganun kalaki ang buto ng mustasa. Kaya kung tutuusin kung laki ang pag-uusapan, maliit lang na pananampalataya ang hinihingi ni Jesus. Pero kung talaging iisipin natin, hindi naman laki o liit ang hinihingi ni Jesus kapag pananampalataya ang pag-uusapan. Ang importante ito ay BUHAY. Tulad ng butil ng mustasa, oo, maliit, pero buhay. Lumalago. Lumalaki. At maaring mamunga.

PANANAMPALATAYANG BUHAY - iyan ang hamon ni Jesus. Pananampalatayang nagsimula sa pagdarasal ng Ama Namin at pag-aantanda ng krus, na lumalago sa panampalatayang nag-aalay ng kalayaan, kalooban, isip at gunita. Pananampalatayang nagsimula sa kaalaman ukol sa sakramento at panalangin, na lumalago sa pananampalatayang lumalawak sa pagkaunawa sa mali at tama. Pananampalatayang naniniwalang ibibigay ang ating hinihingi, na lumalago sa pananampalatayang handang tanggapin ang kalooban ng Diyos. Pananampalatayang namumunga sa pagdarasal at pagsisimba, na lumalago sa pamumunga ng pagmamalasakit at paglilingkod.

Hindi mahalaga kung malaki o maliit. Ang mahalaga buhay. Lumalago. Namumunga ng hitik.