Panginoon,
hanggang kailan ako daraing sa iyo?
Hanggang kailan mo ako di diringgin?
Hanggang kailan mamayani ang karahasan?
Hanggang kailan ko makikita ang kasamaan?
Hanggang kailan ko makikita ang kahirapan?
Hanggang kailan magaganap ang pagwasak?
Hanggang kailan lalaganap ang hidwaan?
Hanggang kailan lalaganap ang pagtatalo?
Ito ang mga daing ni Propeta Habakuk kay Yahweh sapagkat noong panahon niya, ang kaharian ng Judah ay puno ng alitan, hidwaan, at pagsamba sa diyus-diyosan. Ang tanong ng propeta, “Hanggang kailan?”
Marahil ito rin ang tanung natin sa Diyos ngayon, “Panginoon, hanggang kailan?” Hanggang kailan ko titiisin ang pananakit ng aking asawa? Hanggang kailan ko titiisin ang pangangaliwa ng aking asawa? Hanggang kailan ko titiisin ang pagbabastos ng aking anak? Hanggang kailan ko titiisin ang pang-aabuso ng aking magulang? Hanggang kailan ko titiisin ang pagpapabaya ng aking magulang? Hanggang kailan ko titiisin ang pangungutya ng aking mga kaibigan? Hanggang kailan ko titiisin ang pantratraydor ng aking mga kasamahan? Hanggang kailan lalaganap ang kahirapan, ang kawalan ng hustisya, ang pangungurakot, ang pandaraya, ang pagsisinungaling, ang pagkakanya-kanya? Panginoon, hanggang kailan?
Ito ang sagot ni Yahweh kay propeta Habakuk, “Sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon… Ngunit tiyak na magaganap, kung ito ma’y nagtatagal.”
Hindi pa dumarating ang takdang panahon. Kailangang maghintay para sa takdang panahon, o ung tinatawag na “in God’s time.” Kailangang maghintay ng may pananampalataya.
Pero hindi tayo tutunganga habang naghihintay. Sabi ng ebanghelyo ang disposisyon natin ay dapat disposisyon ng isang alipin na tumutupad sa tungkulin.
Huwag mainip sa pagtatagumpay ng kabutihan. Hintayin ang takdang panahon. At sa paghihintay tuparin ang mga tungkulin, at tiyak na magaganap ang kabutihang loob ng Diyos sa takdang panahon.