Thursday, November 29, 2007

TUNAY NA DIWA NG P-A-S-K-O

Christmas has become too commercial. What has become of the real reason for the season? Here are some tips to recover the spirituality of Christmas.

Paglalagay ng Belen

Ang Belen ang nagpapaalala sa atin ng tunay na kahulugan ng Pasko: ang pagparito ng Diyos. Hindi na tayo kailanman mag-iisa, dahil sa kapanganakan ni Jesus sa sabsaban, ang Diyos ay sumasaatin. Ang Belen mas mahalaga kaysa Christmas tree, kaysa parol, kaysa kay Santa at Rudolph. Kung tunay kang Kristiyano dapat meron kang Belen sa bahay mo ngayong Pasko.

Araw-arawin ang Simbang Gabi hangga't maari

Ang paghahanda sa Pasko ay hindi lamang paghahanda sa mga pagkain, o sa mga aguinaldo, o sa mga regalo, o sa mga party. Pinakamahalaga ang ispiritwal na paghahanda, at ito ang halaga ng Simbang Gabi. Ito ang paghahanda ng ating mga puso para isilang dito si Kristo.

Subukang Makipagkasundo

Ang kapanganakan ng Anak ng Diyos sa sabsaban ay simula ng pakikipagkasundo ng tao sa Diyos. Kaya’t lalung nagiging makahulugan ang Pasko kung ipinagkakasundo natin ang mga ugnayang nasira, nawasak, o nalayo. Ang pagkakasundo natin sa isa’t isa ay salamin ng pakikipagkasundo natin sa Diyos.

Kakambal ng Pagbibigay ang Pagmamahal

Kapag Pasko kaliwa’t kanan ang bigayan; aguinaldo sa mga inaanak, exchange gift sa eskuwelahan at opisina, basket of groceries sa mga mahihirap, at marami pang iba. Walang saysay ang pagbibigay ng regalo sa kapwa kung dahil lamang sa nakagawian, o dahil ginagawa ng karamihan, o dahil nahihiya dahil niregaluhan ka. Kung tayo ay magbibigay ng regalo, siguraduhin nating dahil tayo ay nagmamahal, tulad ng pagmamahal ng Ama sa sangkatauhan kaya sinugo ang kanyang bugtong na anak na isilang sa daigdig na ito.

Oportunidad Magpasaya

Ang madalas na batayan ng masayang pagdiriwang ng Pasko ay kung masaya tayo. Pero ang sukatan ng tunay na pagdiriwang ng Pasko ay kung nakapagpasaya tayo ng kapwa; kung nakapagpasaya tayo ng magulang, ng mga anak, ng mga kaibigan, ng mga nangangailangan. Ang pasko ay para sa lahat, hindi lamang sa mga may pambili ng krismas tree o krismas layts. Lalung makahulugan ang pasko kung marunong tayong magbahagi ng saya sa iba.

Ibalik sana natin ang tunay na diwa ng P-A-S-K-O.