Sunday, November 11, 2007

DIYOS NG BUHAY, DIYOS NG PAG-ASA

Marahil nakilala na natin si Marianette Amper. Narinig na natin sa radio, o nabasa sa dyaryo, o napanood sa t.v. Sino si Marianette Amper? Siya ay isang estudyante sa grade 6, 12 years old. Noong November 2, siya ay nagpakamatay.

Kapag nakakarinig tayo ng kuwento ng isang taong nagbigti, nalulungkot tayo at nanghihinayang kahit hindi natin kakilala. Nalulungkot tayo dahil nawalan siya ng pag-asa.

Pero kapag isang bata ang nagbigti, labing dalawang taung gulang, grade 6, hindi lang tayo nalulungkot, o nanghihinayang, NAKAKAGALIT. Bakit magbibigti ang isang bata? Ang isang batang dapat ay nag-aaral at naglalaro, bakit kahirapan at gutom ang iniisip? Bakit kailangang magpakamatay?

Bakit nagbigti si Marianette? Sabi sa dyaryo, siya ay nagbigti dahil sa kahirapan at gutom. Sa kanyang murang edad alam nyang walang magandang trabaho ang tatay nya. Alam nyang maliit lang ang kinikita ng nanay nya. Sa kanyang murang edad naranasan niyang di makapunta sa paaralan o sa simbahan dahil walang pamashe. Naranasang di mapagbigyan ng isang daan para sana sa project, dahil walang wala ang kanyang tatay. Sa murang edad ni Mariannette naranasan niyang hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw. Sa kanyang murang edad naisip nyang hindi na bubuti ang kanilang kalagayan. Maaga siyang nawalan ng pag-asa.

Yan ang tunay na nakakalungkot – ang mawalan ng pag-asa. Kapag walang pag-asa walang dahilan para mangarap. Walang dahilan para magsikap. Walang dahilan para maghanap ng paraan. Kapag walang pag-asa wala ng dahilan para mabuhay pa.

Meron tayong kasabihan, “Habang may buhay may pag-asa.” At sabi ng ebanghelyo ngayon, “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi Diyos ng buhay, at ang lahat ay buhay sa kanya.” Ang Diyos natin ay Diyos ng Buhay. Siya ay Diyos ng Pag-asa.

Malayo sa Marianette sa atin, siya ay taga-Davao. Pero naniniwala ako na maraming Marianette sa paligid natin. Marami ang nawawalan ng pag-asa dahil sa kahirapan at gutom. Hihintayin pa ba nating sila ay ma-dyaryo, o ma-radyo, o ma-tv? Hihintayin pa ba natin silang magbigti? Tayong mga nainiwala sa Diyos ng Buhay, Diyos ng Pag-asa, may tungkulin tayong magbigay ng pag-asa sa kanila – sa pamamagitan ng pagmamalasakit, pagtulong, pagbibigay.

Dahil tayo ay bayan ng Diyos, tayo ay bayang puno ng Pag-asa. Sampal sa ating pananampalataya kapag may taong nawawalan ng pag-asa, dahil ang pagkawala ng pag-asa ay pagkawala na rin ng presensya ng Diyos.