Meron po akong sinabihan: “Ilang tulog na lang Pasko na?”
Sagot niya: “Oo nga eh. Ubos biyaya na naman.”
Ubos biyaya na naman.
Ganyan ba ang tingin natin sa Pasko? UBOS BIYAYA.
Dahil magastos; dahil maghahanda; dahil maraming inaanak; dahil maraming christmas party; dahil maraming exchange gift; dahil maraming nanghihingi ng donasyon.
Kapag ganyan po ang tingin natin sa Pasko,
mababaw ang pagdiriwang natin ng Pasko.
Kaya nga paala-ala ng ebanghelyo ngayon: MAGBANTAY!
Magbantay sa mababaw na pagdiriwang ng Pasko.
Kapag ang Pasko ay pagbibigay lamang ng aguinaldo sa mga inaanak
at walang pagbibigay ng sarili sa Diyos, mababaw ang iyong Pasko.
Kapag ang Pasko ay pagsha-shopping lamang ng mga bagong damit at sapatos, at walang pagbabago ng sarili, mababaw ang iyong Pasko.
Kapag ang Pasko ay pagtanggap lamang ng bonus, at walang pagbabahagi sa mas nangangailangan, mababaw ang iyong Pasko.
Sabi ng isang paring kaibigan ko,
hindi malalim ang diwa ng Pasko dahil nilalaktawan natin ang diwa ng Adbyento.
Ngayon po ay unang linggo ng Adbyento.
Apat na linggung paghahanda para sa Pasko.
Kaya lang nung September pa lang Pasko na tayo.
Kaya nalalaktawan natin ang Adbyento.
Ang Adbyento ay paghihintay. Ang Adbyento ay paghahanda.
Paghihintay at paghahanda sa pamamagtan ng pananahimik at pagninilay.
Mababaw ang pagdiriwang natin ng Pasko
Kasi nilalaktawan natin ang diwa ng Adbyento.
Mababaw ang diwa ng Pasko
Dahil hindi na tayo marunong manahimik at magnilay.
Ang diwa ng pasko ay tunay na pagmamahal, pagpapakumbaba at pagbibigay.
Magbantay laban sa mababaw na diwa ng Pasko.
Pumasok sa tunay ng Diwa ng Adbyento.
Matutong manahimik at magnilay.
Ito ang wala sa mababaw na pagdiriwang ng Pasko.