Ano ang itsura ng mga imahen ni Kristong Hari? Nakaupo sa isang magarang trono. May koronang ginto. Nakadamit ng puti at pula.
Ano ang tunay na itsura ni Kristong Hari ayon sa ating ebanghelyo ngayon? Ang trono niya ay krus. Ang korona niya ay tinik. Walang damit. Hubad.
Ito ang tunay na larawan ng ating hari.
Hindi siya hari dahil pinakamagara ang kanyang trono.
Hindi siya hari dahil pinakamaganda ang kanyang korona.
Hindi siya hari dahil pinakamahal ang kanyang damit.
Si Kristo ay hari dahil pinakadakila ang kanyang pagmamahal.
Isang pagmamahal na handang mamatay kahit sa krus.
Isang pagmamahal na hindi binawi sa harap ng koronang tinik.
Isang pagmamahal na hubad, walang pagbabalatkayo, totoo.
Kung si Kristo ang ating hari, tinatawag tayong magmahal tulad niya; magmahal sa Diyos at sa kapwa. Isang dalisay na pagmamahal na hindi babawiin sa harap ng hirap, handang ialay kahit magpasan ng krus. Isang pagmamahal na totoo hanggang kaibuturan ng puso.
Isang pagmamahal sa ligaya at dusa. Kung isang pagmamahal na hanggang ligaya lang, kung isang pagmamahal na babawiin kapag dusa na, hindi pa si Kristo ang ating Hari.