Hindi ko matandaan kung kelan ko huling ipinagdrive ang tatay ko. Pero kahapon ng hapon, driver ako ng tatay ko. Ang tatay ko ang naggturo sa akin magdrive. Binuhay niya ang pamilya niya sa pamamagitan ng pagdra-drive [Meycauayan Papapsok ang unang linya ng jeep, tapos naging Monumento-St. Francis, tapos naging taga-deliver ng saging galing sa pier, tapos naging taga-hakot ng paninda sa Divisoria, tapos taga-order ng tsitsirya sa Malolos, ng tinapay sa Hagonoy, tapos naging Van for hire, hatid o sundo sa airport, aattend ng kasal sa Pampanga, at kung saan-saan pa]. Noong elementary ako, kapag tinatanong ano ang trabaho ng tatay ko, ang lagi kong sagot, driver - kahit graduate ng accounting ang tatay ko, kahit bookkeeper ng mga tindahan sa Monumento at Surbaran ang tatay ko, kahit nag-made to order skinless longganisa ang tatay ko, kahit may ari kami ng isang karinderia, dalawang tindahan ng mani at isang restaurant [na pag gabi nagiging inuman, sayang elementary pa lang ako nun, hindi pa puedeng uminom, libre sana ang beer, hehe]. Ang lagi kong sagot, driver. Kaya maiintindihan ninyo kung bakit "big deal" na kahapon ng hapon, Nov. 1, 2007 mga alas-singko ng hapon, pinagdra-drive ko ang tatay ko.
Habang nagdra-drive ako, pagkatapos ng isang swabeng over take na "by the book", sabi ko sa kanya: "Pa, parehas ba tayo mag-drive?" Walang sagot. Ngumiti lang. Ganun naman ang tatay ko, pala-ngiti at tahimik lang. Pero nung hapong iyon madaldal. Nagkuwento siya tungkol sa sasakyan. Binata pa raw siya, pinangarap na niya magkaroon ng sasakyan. Nakita niya na pagmay sasakyan, kahit saan nila gusto nakakapunta silang magbabarkada [Oo, mabarkada ang tatay ko, at hanggang ngayon pag-birthday niya, pinupuntahan siya sa Hagonoy at doon nagkakasiyahan, ang galing ano]. Pero ang laging tanong ng mga nakakaalam nito, pano daw siya magkakasasakyan eh ordinaryong empleyado lang siya. Sagot ng tatay? "Basta, pangarap kong magkaroon ng sasakyan."
1972 ikinasal ang nanay at tatay ko. 1977, nang maka-ipon na sila, bumili na ng sasakyan. Owner sana ang bibilhin, pero hindi daw kikita sa owner, kaya bumili ng pampasaherong jeep: 27 thousand pesos. 1977, apat na taun ako, tatlong taun ang sumunod sa akin, hindi pa pinapanganak ang bunso namin, apat na taun silang mag-asawa, natupad ang pangarap ng tatay ko. At simula nun hindi na bumitaw sa pangarap; simula nun hindi na kami nawalan ng sasakyan. Hindi kami mayaman, pero sabi nga ng tatay ko, ang pangarap napag-iipunan. Una pampasaherong jeep [sa unang biyahe driver si papa, kunduktora si mama, sweet!], naging owner, naging jeep ulit, naging lumang service ng PLDT, naging jeep ulit, naging pick-up, naging tamaraw [1990 inassemble, at hanggang ngayon buhay pa, nagagamit pa sa tindahan namin], naging Mitsubishi Adventure [na gamit nila ngayon].
Ang tatay kong driver malayo na ang nilakbay. Ang dating Uro [Lauro ang tunay niyang pangalan] na namamasada ng jeep, ngayon ay si Mang Larry na, na nagmamaneho ng Adventure na may tindahan sa talipapa. Ngayon, ang anak na ang magpapatuloy ng pagmamaneho. Ang anak na ang magtutuloy ng pagtupad sa kanyang pangarap.
Yung title galing sa pelikula ni Nicolas Cage na "Driving Ms. Daisy." Yung buong blog inspired sa blog ni FJ tungkol sa kanyang tatay. Sabi ko sa sarili, hihintayin ko pa bang mamatay bago ako sumulat. Ngayon na. Kaya heto ang bunga.