This is an article to be published on the December issue of the newsletter of the Transfiguration of Our Lord Parish. It explains the meaning of the new Vision-Mission statement of the parish. The Vision-Mission statement was formulated on Nov. 17 and 18, 2007 the heads [incoming and outgoing] of the ministries and organizations of the pastoral council. This article also sheds light on the connection of the Vision-Mission statement, the strengths, weaknesses, and priorities of the parish.
May Pangarap ang Transfi
Sa loob ng isa’t kalahating araw, tatlumpu’t siyam [39] na mga parishioners ng Transfi [dagdag pa ang kura paroko at dalawang facilitators] ang nagsama-sama sa 4th floor ng Diocesan Center Building sa Lantana, Cubao, para sa isang pastoral planning. Sama-samang sinuri ang kalakasan ng parokya, gayun din ang kahinaan, at inilista ang mga priorities na dapat bigyang pansin. Maraming kuru-kuro, marami ding tawanan. Ilang beses nagdebate, ilang beses ding nagbahaginan ng karanasan. Hanggang mabuo ang isang panibagong Vision-Mission Statement, ang Core Values, at mga plano para sa pagpapatupad ng mga priorities.
Ano ang hamon ng ating bagong Vision-Mission Statement? Nasaan ang Transfi ngayon at saan patungo bilang isang pamayanan?
Vision-Mission Statement [VMS]
Ang basic structure ng ating bagong VMS ay hango sa dating VMS na nabuo noong panahon ni Msgr. Romy Ranada. Ito ay tanda ng pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng nakaraan ng parokya at sa kahalagahan ng pagpaptuloy ng mabubuting gawain at programa nito. Sa lumang VMS, ang nakasaad ay “pagmamahal, pag-asa at pananampalataya.” Samantalang sa bagong VMS, tanda ng pagkilala sa pagbabago ng panahon at ng mga kasalukuyang hamon na dapat harapin ng Transfi, ito ay naging “pagmamahal na naglilingkod, pag-asang ibinabahagi at pananampalatayang buhay.”
Ang panimula ng ating bagong VMS, “Isang pamayanan ng mga alagad ni Kristo,” ay hango sa VMS ng diyosesis ng Cubao at sa mahalagang dokumento ng simbahan sa Pilipinas na kung tawagin ay Acts and Decrees of the Second Plenary Council of the Philippines [PCP II]. Ito ay tanda na hindi maaring mabuhay ang Transfi ng hiwalay sa diyosesis ng Cubao at sa lokal na simbahang Katoliko sa Pilipinas. Malinaw na paala-ala ito na ang Transfi ay may mahigpit na ugnayan sa mga katabing parokya, sa buong diyosesis, at sa kabuuan ng Simbahang Katoliko.
Isang pamayanan ng mga alagad ni Kristo
Si Kristo ang sentro ng pananampalataya at buhay ng isang Krisitiyano. Siya ang simula at katapusan. Siya ang mabuting balita at tagapagbalita. Siya ang Panginoon at Diyos natin. Bawat isa sa atin dahil sa Binyag ay tinawag na sumunod sa kanya; maging alagad. Personal na “oo” ang kailangan para sumunod sa kanya. Responsibilidad ng bawat isa na sikaping matulad kay Jesus at huwag malayo dahil sa kasalanan. Ang pagiging alagad ay personal na pagsunod pero hindi indibidwal, dahil tayo ay tinatawag na maging isang pamayanan ng mga alagad. Misyon natin bilang isang parokya ang magtulungan upang ang bawat kasapi ay lalung makasunod kay Kristo, matularan ang kanyang halimbawa, at maging mabuting Kristiyano sa salita at sa gawa.
Nabubuklod
Dahil kalooban ng Diyos na tayo ay maging isang pamayanan ng mga alagad ni Kristo, ang isang tanda ng pagtahak natin sa tamang landas ay ang ating pabubuklod-buklod; ang ating pagkakaisa. Hangga’t may pagkakanya-kanya sa ating pamayanan alam nating hindi pa natin nasusunod ang kalooban ng Diyos. Ayon sa evaluation ng mga nakasama sa pastoral planning ang kalakasan ng Transfi ay ang pagkakaisa ng pari, ng mga lider layko at ng mga myembro ng iba’t ibang organisasyon. Subalit kailangan pang palawakin ang pagkakaisang ito. Kaya isa sa mga lumabas na priority ng Transfi ay ang pakikiisa ng mas maraming parokyano sa buhay ng pamayanan; lalung higit ang pakikiisa ng kabataan at ng pamilya.
Sa lahat ng ating gawain at mga programa lagi dapat isaalang-alang kung paano paiigtingin ang pakiisa ng mga parokyano. Ito ay isang tanda ng patuloy nating pagbubuklod.
Kasama ni Maria
Tulad ng nakakaraming Pilipinong Katoliko hindi mawawala ang pagmamahal natin sa Mahal na Birheng Maria. Malinaw sa atin na sa pagsisikap nating maglakbay ng sama-sama bilang isang parokya, sa hangarin nating tuparin ang kalooban ng Diyos, at sa paglalakbay tungo sa kanyang paghahari, kasama natin ang mahal na Inang Maria, na siyang aakay sa atin patungo sa kanyang anak at ating Panginoong si Jesus.
Tatlong mahahalagang sanga ang napapaloob sa ating VMS: pagmamahal na naglilingkod, pag-asang ibinabahagi at pananampalatayang buhay.
Pagmamahal na naglilingkod
Ang lahat ay tinatawag magmahal. Ang lahat ay marunong magmahal. Subalit ang sentro ng VMS ay ang pagmamahal na nakikita sa paglilingkod. Pangarap ng Transfi na maging isang pamayanang nakatutugon sa pangangailangan ng mga parokyano. Kaya nga isa sa mga priorities ang pagtatalaga ng mas marami pang programa para sa mga nangangailangan. Subalit una sa lahat, kailangang suriin kung ano ang dapat unahing tugunan sa napakaraming pangangailangan na nakikita natin sa ating paligid.
Pag-asang ibinabahagi
Sa ating paligid ngayon, marami ang nawawalan ng pag-asa. Kung pag-uusapan ang mga namumuno at kasapi ng iba’t ibang organisasyon sa Transfi, laging nariyan ang pag-asa. Subalit sentro ng VMS ang maibahagi ang pag-asang ito sa mga pinanghihinaan ng loob sa anumang kadahilanan. Kung tutuusin, ang pagpapatibay ng ating mga programa sa mahihirap, ang pagpapatibay ng ating mga area sa pamamagitan ng BEC, at ang pagpapalawak ng pakikiisa ng mga kabataan at pamilya sa buhay ng parokya ay mga konkretong paraan upang maibahagi ang pag-asang nasa ating puso na dulot ng kaligtasang bigay ng Diyos. Sa bandang huli, hangad natin na sila rin ay makapagbahagi ng pag-asang ito sa iba.
Pananampalatayang buhay
Ang pananampalataya ay biyaya ng Diyos. Hindi tayo makalalapit sa kanya kung hindi niya tayo binigyan ng kakayahan. Gayun din naman, ang pananampalataya ay tugon natin. Kung ayaw natin, hindi ipipilit sa atin. Bilang tugon, may tungkulin tayong palaguin, gawing matibay, at gawing buhay ang ating pananampalataya. Hindi lamang sa salita, o sa loob ng simbahan, o sa loob ng misa, bagkus ang buhay na pananampalataya ay isinasabuhay sa gawa, nagliliwanag saan man naroon, tahanan man, iskuwelahan, o trabaho, at namumunga ng kabutihan sa iba’t ibang larangan ng ating buhay, personal man o panlipunan.
Nauunawaan ng Transfi na mahalaga sa isang panampalatayang buhay ang tuluy-tuloy at mahusay na Paghuhubog. Kaya nga priority ng Transfi ang pagtataguyod ng isang makabuluhang programa para sa paghuhubog, pangkalahatan man o particular sa mga lider nito. Gayun din, ang isang tanda ng pananampalatayng buhay ay ang isang masiglang pamayanan, kaya ang katuparan ng pakikiisa ng lahat ng mga parokyano, lalu na ng mga kabataan at pamilya, at ang paglago ng mga pamayanan sa kapitbahayan [BEC] ay malilinaw na tanda na ang pananampalataya ng Transfi ay buhay.
Hamon
Lubos ang pasasalamat natin sa Diyos sapagkat pinagkalooban tayo ng mahuhusay na lider layko, mga aktibong miyembro ng mga organisasyon, at ng maayos at magandang simbahan. Nakita ang pagkakaisa ng lahat ng magsama-sama upang mag-plano para sa parokya. Subalit ang magagandang salitang ito ay mababale wala kung hindi aangkinin ng lahat ang Vision-Mission Statement, ang Core Values, at ang Priorities ng Transfi. Gaano man kagaling ang ating mga pinuno, kung hindi tutulungan ng lahat ng parokyano, wala ring mangyayari.
Dalangin kong huwag manatiling magagandang salita ang lahat ng ito, bagkus maging buhay sa ating mga gawa. Huwag sanang mabulok sa papel, bagkus mamunga ng pagmamahal na naglilingkod, ng pag-asang ibinabahagi, at ng pananampalatayang buhay.
Ito ang pangarap ng Transfi. Ito ang misyon ng bawat parokyano. Ito ang hamon ng kasalukuyang panahon. Sama-sama nawa nating tuparin ang pangarap ng Transfi.