Sabi ng unang pagbasa, “Maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.” Sabi ng ating ebanghelyo, “Sapagkat ang nagpapakataas ay ibaba, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Kalugud-lugod sa Diyos ang may mababang loob. Paano ba magpakumbaba? Sino ang taong mapagpakumbaba? Sino ang tunay na humble? Yung taong walang imik, sa isang tabi lang? Yung taong hindi marunong makipagtalo, mahinahon lagi ang boses? Yung taong hindi marunong magalit, laging nagbibigay? Yung taong mahiyain, walang dating?
Maaring isipin na ang pagpapakumbaba ay isang kahinaan, kaysa mabuting katangian na kailangan nating lahat. Ano ba ang tunay na pagpapakumbaba? Sino ang tunay na humble? Dalawang bagay po.
Una, ang tunay na kababaang loob ay alam kung anong kaya niya at handang ibahagi ito sa iba. Ang taong may kababaang loob ay kilala ang sarili at alam ang kanyang kakayahan, at sa pagkakataong kakailanganin ang kanyang kakayahan ay handang ibahagi ito sa nangangailangan. May mga pagkakataong sa isang grupo alam kung sino ang may kakayahang mamuno, subalit paghinilingan siyang mamuno, tumtatanggi at sinasabing, “Huwag ako. Hindi ko kaya yan.” Kahit alam ng lahat na kaya niya. Hindi po iyan humility. Yan po ay false humility. Dahil hindi tinatanggap kung ano ang kaya, at hindi ibinabahagi sa iba. Genuine humility is to know who we are, what we can do, and how to share.
Pangalawa, ang tunay na kababaang loob ay alam kung ano ang hindi kaya at handang humingi ng tulong sa iba. Dahil alam niya ang kanyang kakayahan, alam din niya ang kanyang kahinaan, at marunong humingi ng tulong kung kinakailangan. Sino ba ang mayabang? Hindi ba iyong nagmamarunong at hindi naman pala kaya; hindi ba iyong nagmamagaling na wala naman palang alam. Dahil hindi tinatanggap ang hindi niya kaya, hindi alam kung kailan dapat humingi ng tulong sa iba. Genuine humility is to accept who we are not, what we cannot do and how much help we need.
Ang tunay pong kabaang loob ay hindi nakikita sa pagiging tahimik, o mahiyain, o walang kibo. Ang tunay na kababaang loob ay nakikita sa makatotohanang pagkilala sa sarili, ano ang kaya mo, ano kaya mong ibahagi, ano ang hindi mo kaya, at kailan mo kailangan ang tulong ng iba.
Kung malinaw po sa atin ito, walang dahilan para magyabang, dahil tayong lahat may kanya-kanyang kaya, may kanya-kanyang hindi kaya. Kaya nga inaasahang magtutulungan. Walang taong kaya ang lahat. Walang taong walang maibabahagi. Walang taong walang kailangang tulong. Walang taong maaring mabuhay mag-isa.
Kung ikay ay may mababang loob, sabi ng unang pagbasa, ikaw ay tunay na mamahalin. Bakit? Dahil kung ikaw ay may tunay na kababaang loob, ikaw ay totoo sa iyong sarili: alam kung anong kaya mo at handang ibahagi sa iba, tinatanggap kung anong hindi mo kaya at handang humingi ng tulong kung kinakailangan. Ang taong mapagpakumbaba minamahal. Ang taong mayabang iniiwasan. Mamili ka.