Sunday, September 9, 2007

SAKRIPISYO

Kilala nating lahat si Manny Pacquiao. Kahit naririnig nating siya ay sabungero, malakas pumusta sa bilyar, at sabi ng iba babaero – ang isang kahanga-hangang bagay sa kanya ay ang dedikasyon niya sa pag-iinsayo. At hindi niya ito magagawa kung hindi siya marunong magsakripisyo. Sakripisyo muna sa ibang bagay, ang ibuhos ang lahat ng atensyon sa paghahanda para sa laban. Dahil ang daan sa tagumpay ay pagsasakripisyo.

Kilala ba natin sa Rex Barnardo? Siya ay disabled; naka-wheelchair. Dahil sa kanyang kapansanan hindi siya pinapasok ng kanyang mga magulang sa elementarya at sa high school. Subalit siya’y tinuruan ng kanyang mga tiyahin ng pagbabasa at pagsusulat. Sabi sa artikulo ng Inquirer [www.inquirer.net] hinihiram niya ang mga libro ng kanyang mga kapatid para basahin at madalas mas nauuna siyang makatapos kaysa kanila. Sa bandang huli siya ay nakatapos ng Kolehiyo, Psychology. At nakatapos ng masters in development management. Kahit may kapansanan, ang daan tungo sa tagumpay ay ang pagtahak sa landas ng pagsasakripisyo.

Ito rin ang paalala ni Jesus sa ebanghelyo: walang sinumang makasusunod sa akin ng hindi pinapasan ang kanyang krus. Walang sinumang makakasunod kay Jesus ng hindi marunong magsakripisyo.

Ang daan ng Krus ay taliwas sa daan ng mundo, dahil ang daan ng mundo ay kung ano ang madali, magaan, at maginhawa. Hindi ito ang daan ni Jesus. Hindi ito ang daan ng Krus. Kung nais nating makamit ang tagumpay ni Jesus, kailangang pasanin ang krus, kailangang matutong magsakrispisyo.