Nung bata ako natatandaan ko pag ang ulam namin sa bahay ay may mainit na sabaw, halimbawa sinigang o nilaga, laging may tutong na kanin sa lamesa. Nung pumasok ako sa seminaryo, ni minsan hindi sila naghanda ng tutong na kanin, kahit gaano kainit ang sabaw ng sinigang o ng nilaga [madalang naman maghain ng sinigang at nilaga sa seminaryo, laging adobo, o kaya prito hehe]. Minsan tinanong ko ang nanay ko kung bakit may nakahaing tutong pag may mainit na sabaw ang ulam. Sabi niya, "Anak yan kasi ang gusto ng tatay mo."
"Anak yan kasi ang gusto ng tatay mo." Ito ang katunayan na mahal ng nanay ko ang tatay ko. Hindi ba pagmahal mo ang isang tao, aalamin mo ang gusto niya, para subukan mo ring gustuhin? Aalamin mo ang ayaw niya, para susubukang ayawin din? Aalamin mo ang mahal niya, para subukang mahalin din? Ito ang isang hamon ng pagmamahal natin sa isa't isa. Ito rin ang hamon ng pagmamahal natin sa Diyos. Kung talagang mahal natin ang Diyos, hindi ba't tama lamang na alamin natin ang gusto niya at sikaping gustuhin din natin? Alamain ang ayaw niya at sikaping ayawan din natin? Alamin ang mahal niya at sikaping mahalin din natin? Kung tunay ang pagmamahal natin sa Diyos aalamin natin ang kanyang kalooban, at sisikaping ang kalooban niya ay maging kalooban din natin.
Ngayon katulad ako ng aking tatay, dahil pagmainit na sabaw ang ulam, nilaga o sinigang, naghahanap ako ng tutong [kaya lang lagi wala kasi hindi nagtututong sa rice cooker, automatic na eh hehe]. Ang masarap sa tatay ko masarap din sa akin. Yung gusto niya gusto ko rin. Sana maging katulad din tayo ni Jesus, yung gusto niya gusto rin natin; yung kalooban niya ay kalooban din natin.