Monday, September 24, 2007

KANDILA

Sa tuwing magsisindi ng kandila - sa pruisisyon, o pagnag-aanak sa binyag, o sa ordinaryong altar sa bahay - ito ay ala-ala ng kandilang sinindihan nung tayo'y bininyagan. Sa binyag, tayo ay pinanganak sa KALIWANAGAN. Tayo ay naging mga anak ng LIWANAG. Hindi na tayo nabubuhay sa dilim. 'Di na tayo kapit ng dilim. Ginapi na ni Jesus, ang Liwanag, ang dilim ng kasalanan at kamatayan.

Sa tuwing nagsisindi tayo ng kandila, pinapaalala sa atin na ang liwanag na ito, kailangang ilabas, kailangan ipakita, kailangang makapagbigay ng liwanag. "Walang nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakluban ng banga o ilalagay sa ilalaim ng higaan. Sa halip, inilalagay ito sa talagang patungan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag." Makapagbigay ng liwanag sa buhay natin, at sa buhay ng iba.

Uso ang kandila ngayon, pamapa-relax daw, pampa ganda daw ng mood, pampa ganda daw ng ambience, nakaka alis daw ng stress. Sa isang Kristiyano, laging mahalaga ang pagsisindi ng kandila, hindi dahil uso, kundi dahil ikaw at ako ay tila mga kandilang inaasahang magbigay ng liwanag sa mundong nangangailangan nito.