Saturday, September 22, 2007

PANGATAWANAN ANG SALITA

Ngayon po ay Catechetical Sunday. Nagpapaalala sa atin na tayo pong lahat ay katekista. Hindi lang po yung mga nagtuturo ng religion sa mga eskuwelahan. Yung mga magulang dito, katekista kayo sa mga anak ninyo. Yung mga ate at kuya dito, katekista kayo sa mga kapatid ninyo. Ang mga nakatatanda ay katekista sa mga nakakabata. Tayong lahat ay katekista sa isa’t isa.

Ano ba ang ibig sabihin ng “katekista”? Ito ay galing sa salitang Griyego na “katechizein” na ang ibig sabihin ay “to teach through words,” ang magturo sa pamamagitan ng salita. Sa Matandang Tipan ang Salita ay kaisa ng gawa. “Dabar” ang salitang Hebreo para sa salita na ang ibig sabihin ang salita ay gawa at ang gawa ay salita. Halimbawa, ang salita ng Diyos “Let ther be light” kasabay ng salita ang pagkakaroon ng liwanag. Salita ni Jesus “pinatawad na ang iyong kasalanan” kasama nito ang tunay na pagpapatawad. Ang salita ay gawa. Ang gawa ay salita. Yan ang “Dabar.”

Maiuugnay natin dito ang sinabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa na siya ay tagapagturo ng katotohanan at pananampalataya. Siya ay tagapgturo ng katotohanan dahil si Jesus ang katotohanan at ng pananampalataya dahil ang itinuturo niya ay nakikita sa gawaing may pananampalataya.

Ayaw natin sa mga taong dada lang ng dada pero walang gawa. Ayaw natin sa mga taong maganda ang salita kapag kaharap subalit iba ang ginagawa pagtalikod. Ayaw natin sa mga taong plastic. Pero kung titingnan natin ang ating sarili, ito ang katotohanan ng ating karanasan. May mga salita tayong hindi natin ginagawa.

Ang hamon sa atin, pangatawanan ang ating salita. Sa bawat misa na pinagdirwang natin sinasabi natin “Sumasampalatay ako sa Diyos” pero pagnasaktan tayo at kailangang magpatawad sumasampalataya pa rin ba tayo sa Diyos? Kapag kailangan ng magsakripisyo, sumasampalataya pa rin ba tayo sa Diyos? Kapag wala pa ring trabaho, o pag-asenso, o pera kaya, sumasampalataya pa rin ba tayo sa Diyos? O nagpapasya tayo na parang walang Diyos? Nabubuhay tayo na parang walang Diyos?

Ilang pangako na ang napako? Ilang “I love you” na ang ating tinalikuran? Ilang beses na tayong nawalan ng isang salita? Ilang beses nang nakalimutan ang pananampalataya? Ilang beses nang ‘di napangatawanan ang ating mga salita?

Lahat po tayo ay katekista, tinatawag na magturo, hindi lamang sa salita, kundi lalung higit sa gawa. Sikaping sa ating buhay na ang ating salita ay gawa at ang ating gawa ay salita.