Saturday, September 15, 2007

NAWALA

Hindi ko ito natatandaan, pero kinuwento ng tita ko sa akin.

Nung mga 4 years old daw ako, nawala ako. Hinanap nila ako sa lahat ng sulok ng bahay. Lahat naghahanap: si Tita (dahil siya ang yaya ko noon, working mom kasi si nanay), si mama, mga kapitbahay namin, pati mga driver ng jeep (nakatira kasi kami malapit sa terminal ng jeep). Hindi nila ako makita. Nag-aalala na raw sila.

Hanggang nakita daw ako ng isang driver malayo na sa bahay. Isinakay ako ng driver at ihinatid sa bahay. Pagkakitang pagkakita pa lang daw sa akin sinalubong na ako ng Tita ko at niyakap at pinaghahalikan. Ganun din si mama ko. Niyakap ako at pinaghahalikan. Tinanong ko sila kung pinagalitan nila ako. Hindi daw. Sa sobrang saya dahil nakita ako nakalimutan na nila akong pagalitan. Hindi ko talaga ito matandaan, pero nung kinukuwento nila ito sa akin, sobra din ang saya ko at natagpuan nila ako.

Sabi sa ebanghelyo, "Gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.” Sa pagbabalik loob natin sa Diyos hindi pala galit o parusa ang sasalubong, kundi isang maalab na pagyakap at masayang pagdiriwang dahil nakita ang matagal nang hinahanap. Sinong ayaw yakapin ng Diyos? Sinong ayaw sa halik ng mga anghel? Sinong tatangging magbalik loob sa Diyos?