Sinumang hindi magpapasan ng kanyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaring maging alagad ko.
Malinaw ang sinabi ni Jesus sa ebanghelyo. Ang pagpasan ng krus ay bahagi ng buhay ng bawat Kristiyano. At naniniwala akong ang katotohanang ito ay kailangang ulit-ulitin, dahil hindi ito ang tawag ng buhay dito sa mundo. Kailangan ito laging ipaalala, kung tinig ng mundo ang papakinggan wala lugat ang krus sa mundo.
Para sa buhay natin sa daigdig na ito, mas madali mas okey, mas maikli mas okey, mas maginhawa mas okey.
Bakit may mga estudyanteng nandaraya sa exam para pumasa? Bakit may mga estudyanteng bumibili ng leakage, gumagawa ng kodigo para pumasa sa board? Dahil mas maikling panahon sa pag-aaral pero pagpasa din ang resulta. Mas madali, mas maganda.
Bakit may mga dalaga, maganda ang career, maganda ang kinabukasan, matalino, pero pagnabuntis ng hindi kasal, naiisipang ipalaglag ang bata? Kasi mas madaling ipalaglag ang bata kesa magbuntis ng siyam na buwan, mapurnada ang mga plano sa buhay, at mag-alaga ng sanggol. Mas madali mas maganda.
Bakit may mga taong gagawin ang lahat guminhawa lang ang buhay? Mga taong magnanakaw, mandaraya, kukuha ng hindi kanila, mangungurakot para guminhawa lang ang buhay. Dahil mas maginhawa mas maganda.
Walang krus dito. Dahil ang krus kailanman hindi madali, hindi maikli, hindi maginhawa. Ang krus kailangan ng sakripisyo. Subalit tandaan natin, sa krus ni Kristo dito tayo nakatagpo ng buhay, dito tayo naktanggap ng kalayaan, ng yakap ng Diyos na pumawi sa anumang paglaugmok natin sa kasalanan, sa kamatayan, sa pag-iisa. Ang krus ni Kristo ang ating buhay.
We are not afraid of the cross because in the cross is our life. Jesus showed us that in suffering there is redemption, there is meaning, there is light. If we want a satisfaction that is temporary, a satisfaction that the world gives and also takes away, then listen to the voice of this world. But if you yearn for a joy that lasts, a joy that no suffering and pain can take away, then listen to Jesus, take up your cross daily and follow him.
Ganyan ba talaga ang buhay Kristiyano? Puno ng krus? Super-hirap? Alam naman nating lahat na “walang ligaya dito sa lupa na hindi dinilig ng luha.” Hindi tayo takot na magpasan ng krus dahil alam natin ito ang daan sa tunay na kaginhawahan. Ito ang ipinakita ni Jesus, at ito ang ating pinananaligan. Amen.