Christmas Eve Mass, December 24
May isang taong naglakbay sa malalayong lugar para maglingkod sa Diyos. Dumaan siya sa iba’t ibang hirap sa kanyang paglalakbay: inusig, pinagmalupitan, kinasuhan ng iba’t ibang paratang, ilang beses nabilanggo, nahagupit ng latigo, ilang beses nalagay sa bingit ng kamatayan, ilang beses nalagay sa panganib, hindi lang isang beses nakaranas ng paglubog ng barko, nagutom, naghikahos – sa lahat ng paghihirap na ito, meron pa ba siyang dahilan para lumigaya at maging masaya?
Ang taong sinasabi ko sa inyo ay si San Pablo. At mababasa nyo po ang kanyang paglalakbay sa mga Gawa ng mga Apostol at sa kanyang mga sulat. Pagkatapos ng lahat ng hirap na ito, meron pa bang dahilan si
May sagot po si San Pablo sa tanong na ito: walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo [Rom 8:35-39]? Hindi paghihirap, hindi kapighatian, hindi pag-uusig, hindi gutom, hindi tabak. Wala! Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo.
Galing yan sa isang taong dumaan sa sangkatutak na paghihirap. Maliwanag kay San Pablo na mahal pa rin siya ng Diyos, at sapat na itong dahilan upang patuloy na maging masaya, patuloy na umasa.
Ito ang tunay na diwa ng Pasko: Ang Diyos nagkatawang tao. Ang Diyos nakipamuhay sa atin. Ang Diyos bumababa mula sa langit at sinamahan tayo. At kailanman ay hindi lilisan sa piling natin, dahil walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig at pananahan ng Diyos sa piling natin.
Jesus, the Son of God, became a child in a manger to be with us because God loves us unconditionally. And he will always be with us, no matter what. Not anguish. Not distress. Not famine. Not nakedness. Not peril. Not the sword. Nothing can separate us from the love of God.
Mahirap ang buhay? Maraming pagsubok? Iniwan ka ng boyfriend mo? Nilayasan ka ng mga anak mo? Walang trabaho? Gutom? May dahilan pa rin para maging masaya ngayong Pasko, dahil ngayong Pasko sasamahan ka ng Diyos at walang makapaghihiwalay sa iyo sa pag-ibig ng Diyos para sa iyo. Huwag na huwag po ninyong kalilimutan iyan. Maligayang Pasko po sa inyong lahat!