Simbang Gabi, 1st Day
Alam nating lahat na sa kahit anung kuwento, laging may bida. Lalu na sa pelikula laging may bida. At ang bida laging may kasama, laging may “sidekick.” Halimbawa, si Batman, merong Robin. Si Zorro, merong Tonto. Si Dolphy, may Panchito, o kaya si Babalu. At si FPJ, may Dennis Padilla, o kaya si Berting Labra. Madas ang bida may “sidekick.”
Sa kuwento ni Jesus, parang meron din siyang “sidekick.” Siya ang naghanda ng daraanan sa pagdating ni Jesus. Siya ang nagtuwid n glandas ni Jesus. Siya ang nagbabala sa kahalagahan ng pagbabalik-loob sa Diyos para salubungin si Jesus. Siya ang nagbinyag sa ilog Jordan para maging malinis sa pagsalubong kay Jesus. At ng dumating na si Jesus, unti-unti na siyang nawala sa eksena. Sabi niya, I must decrease ; he must increase. Sidekick nga eh. Sino siya ? Si Juan Bautista.
Kapag pinag-usapan ang kuwento ng pasko, walang makakaisip na kasama sa kuwento si Juan Bautista. Pero merong mahalang mensahe si Juan Bautista para sa pagdiriwang natin ng Pasko: Magbalik-loob sa Diyos.
May mga tao kuntento na sa saya ng mga Christmas party; sa saya ng exchange gifts at ng monito-monita; sa sayang dulot ng 13th month pay at bonus; sa saya ng noche buena. Pero sinasabi ko sa inyo, iba ang saya ng Pasko kapag tayo ay malayo sa kasalanan at malapit sa pagmamahal ng Diyos. Walang kapantay ang saya sa pusong walang sama ng loob, walang kaaway, walang inggit, walang yabang, walang galit, walang poot.
Si Juan Bautista ay tila liwanag na nagniningning na tumatangalaw sa atin upang magbalik loob sa Diyos, dahil sa piling ng Diyos, walang kapantay ang ligayang dulot ng Pasko. Sa pagdiriwang ng Pasko, malayo ka ba sa Diyos dahil sa kasalanan? Magbalik-loob sa Diyos dahil kung kapiling ka ng Diyos, kung nakikinig ka sa kanyang salita, kung ginagawa mo ang kanyang mga utos, walang kapantay ang ligaya sa pagdiriwang ng Pasko. Amen.