Feast of the Holy Family, Year B
Tapos na ang December 25. Tapos na ba ang Pasko?
Hindi pa. Tapos na ang araw ng pagsilang ng Panginoon, pero ang misteryo ng Pasko ay hindi lamang tungkol sa pagsilang ng Anak ng Diyos, kundi ang pagkakatawang tao ni Jesus. At kasama sa pagiging tao ng Diyos ay ang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon, ang pamilya ni Jose, Maria at Jesus. Kung saan si Jesus ay lumaking “malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos” [Lk 2:40].
Marami sa mga “first time” natin sa buhay ay natutunan natin sa loob ng pamilya: first time tumayo, lumakad, magsalita, bumilang, mag-sign of the cross, kumanta ng alleluia, etc. Mas lalung higit kapag pinag-usapan ang pananampalataya, sa loob ng pamilya tayong unang natututong magdasal. Sabi ni Pope John Paul II, “The family is the first school of faith.”
May isang bata, 4 years old, tuwing matatapos ang misa magmamano sa akin at sinasabi niya kung ano ang ipinagdasal niya sa misa. Minsan sabi niya, “Father, I have a new dress. I thank God for my new dress.” Tapos minsan, “Father, I have a new toy. I thank God for my new toy.” Tapos minsan din, “Father, I prayed for you.” Saan natuto ang apat na taung gulang na bata na magapasalamat sa Diyos sa lahat ng bagay? Saan pa, sa pamilya!
Totoo din ang kabaligtaran. Naglalakad ako sa isang eskinita. May naglalarong mga maliliit na bata sa may kalsada. Siguro mga apat na taun din. Pagdaan namin doon, narinig kong sumigaw yung maliit na bata, “Putang ina mo! Akin yan!” Sabi ko sa kasama ko, “Siguro hindi pa marunong yan magbasa pero marunong nang magmura.” Saan natuto ang apat na taung gulang na bata na magmura? Saan pa, sa pamilya!
Malaki at mahalaga ang papel ng pamilya sa ating buhay. Kung gusto natin ng mga Kristiyanong malakas laban sa kasamaan, kailangan maging malakas ang mga pamilya. Kung gusto natin ng mga Kristiyano marunong sa pananampalataya, kailangan maging marunong ang mga pamilya. Kung gusto natin ng mga Kristiyanong namumuhay na kalugud-lugod sa Diyos, kailangan ang mga pamilya ay mamuhay ng kalugud-lugod sa Diyos. Ang lahat ng ito ay natutunan sa loob ng pamilya.
Nawa, sa tulong at halimbawa nina Jesus, Maria at Jose, ang lahat ng pamilyang naririto ngayon ay magsikap upang magturo sa lahat na maging malakas, marunong, at kalugud-lugod sa Diyos.