Thursday, December 18, 2008

liwanag

Simbang Gabi, Dec. 18

Kelan ka huling nakakita ng alitaptap?

Ako? Nung October. Limang araw akong tumira sa monasteryo ng Transfiguration of the Lord. 5 am ang Morning Prayer nila. Dahil medyo may kalayuan sa monasteryo ang tinutuluyan ko, 4:30 am pa lang naglalakad na ako papuntang monasteryo. Isang beses sa aking paglalakad ng madaling araw nakakita ako ng dalawang alitaptap. Kumukutikutitap sila sa kadiliman ng umaga. Dahil minsan lang makakita, ang unang reaksyon ko sundan sila. Kaya sinundan ang liwanag ng mga alitaptap. Hanggang makarating ako sa isang punong puno ng alitaptap, parang krismas tree na hitik sa krismas lights. Wala ako ng nagawa kundi tumunganga at panoorin ang mga alitaptap. Pagdating ko sa monasteryo, tapos na ang Morning Prayer.

Naniniwala ako na lahat tayo, ang unang reaksyon natin kapag nakakita ng liwanag, lalu na kung tayo ay nasa dilim, ay lapitan ang liwanag, sundan ang liwanag at manatili sa liwanag. Yan ang unang reaksyon natin sa liwanag. Marahil kahit na sino papiliin mo sa liwanag o sa dilim, kung pababayaan ang damadamin laging pipiliin ang liwanag.

Ang pagsilang ni Jesus bilang tao sa Bethlehem ay ang pagdating ng liwanag sa daigdig na ito. Si Hesus ang ilaw ng mundo at kung pababayaan natin ang natural na reaksyon natin sa liwanang, lalapit tayo kay Kristo, susundan natin siya, at mananatili tayo sa kanya.

Paano ba tayo mananatili sa liwanag ni Kristo sa kasalukuyang panahon? (1) sa liwanag ng Salita ng Diyos - tulad ni San Jose sa ebanghelyo ngayon, naunawaan niya kung ano ang plano ng Diyos dahil sa isang anghel sa kanyang panaginip; tayo rin magiging maliwanag sa atin ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng liwanag ng kanyang banal na Salita. (2) sa liwanang ng banal na Eukaristiya - tulad ni San Jose, nakatagpo siya ng lakas ng loob na pakasalan si Maria kahit hindi kanya ang sanggol na kanyang dinadala; tayo rin makakatagpo ng lakas ng loob na maninidigan sa landas ng kabutihan at kabanalan sa pagtanggap natin ng tinapay ng buhay na lakas at buhay ng bawat Kristiyano; (3) sa liwananag ng kapwa-tao - tulad ni San Jose tinanggap niyang maging ama-amahan ni Jesus dahil sabi ng anghel na siya ang magiging tagapagligtas ng kanyang mga kapwa-hudyo; si Jesus ang magbibigay ginhawa sa kanyang mga kababayan; tayo rin makakatagpo ng dahilan para maglingkod at magmalasakit sa kapwa dahil anuman ang gawin natin sa "maliit na ito" ay ginawa natin kay Jesus.

Sumasa-atin si Jesus. Sumasa-atin ang ating liwanag. Ang pumipili lamang sa dilim ang iyong may tinatago, iyong may kinahihiya, iyong may sikretong ayaw mabunyag. Ang tunay na Krisitiyano, nabubuhay sa liwanag ni Kristo.