3rd Sunday Advent B
Ang linggong ito ay tinatawag na Gudete Sunday, o Linggo ng Kagalakan.
May dahilan ba para magalak?
Meron na naman parating na agyo. Kapag dumating na yan sa Luzon at bumuhos ang malakas na ulan, problema na naman ang baha, pati landslide, pati sirang bahay. May dahilan ba para magalak?
Meron na namang Cha-cha. Gusto na naman baguhin ang saligang batas at patagalin ang kapangyarihan ng mga nakapuwesto. May dahilan ba para magsaya?
May bird flu na naman sa
Sa ating barangay, ang tagal tagal nang pinag-uusapan ang palengke hanggang ngayon hindi pa rin tapos, hindi pa rin magkasundo. At tila dumadami ang mga inuman dito. Tila dumadami din ang mga tambay, maging bata man o matanda. May dahilan ba para magdiwang?
Malinaw po ang sagot ni Juan Bautista sa ebanghelyo ngayon: “nasa gitna ninyo ang isang hindi nakikilala.” Si Jesus ay nasa gitna natin. Si Jesus ay sumasaatin at sapat na itong dahilan para magalak, para magsaya.
Nagbigay ako ng recollection sa Ina ng Laging Saklolo sa Punta, Sta. Ana. At punung puno ang simbahan para sa recollection. Ibig sabihin marami ang nauuhaw sa kaalaman at pananampalataya ukol sa pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Kahapon may Christmas party ang mga bata, mga nagsisimba at nagseserve sa children’s mass. Ngayong umaga meron namang party sa mga elders, sa mga senior citizen. Sa hapon naman merong party ang mga scholars ng ating parokya. Ibig sabihin, kahit mahirap ang buhay ngayon, marami pa rin ay may mabubuting loob na tumutulong sa mga nangangailangan, maging bata man o matanda, o mga mag-aaral.
Ilan lamang ito sa mga palatandaan na sumasaatin at kumikilos sa pamamagitan natin ang presensya ng Diyos. Gaano man kahirap ang buhay, gaano man kabigat ang problema, kung bawat isa sa atin ay magiging instrumento ng presensiya ng Diyos sa buhay na ito, hindi mauubusan ng dahilan para magdiwang.
May dahilan ba para magsaya? Meron, dahil sabi nga ni Juan Bautista nasa ating gitna ang Panginoon.