Simbang Gabi, December 20
Narinig natin sa unang pagbasa, “Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.” Ito ang sabi ni propeta Isaias kay Acaz. Isang pangako mula sa Diyos. At naniniwala tayo na ang pangakong ito ay natupad sa paglilihi ni Maria. Narinig natin sa ebanghelyo, “Paano mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” Alam ba ninyo kung ilang taon ang pagitan ni Propeta Isaias at ang Pagsilang ni Kristo? Walong daang taon. Eight hundred years.
Siguro sasabihin ninyo, “Father, ang tagal namang tuparin ng Diyos ang kanyang pangako? Bakit ganun?” Hindi ko po alam kung bakit ganun, pero ito po ang alam ko. Kahit inabot ng walong daang taon, hindi nakalimot ang Diyos sa kanyang pangako. Hindi tumalikod ang Diyos sa kanyang pangako. Hindi pinabayaan ng Diyos ang kanyang mahal na bayan. Hindi ko alam kung bakit ganun katagal, pero ang alam ko, tapat ang ating Diyos, hindi ayon sa ating panahon, kundi ayon sa kanyang panahon, dahil ang panahon ng Diyos ay laging tamang panahon.
800 years – hindi nakalimut ang Diyos sa kanyang pangako, isinugo ang anak upang maging tagapagligtas ng kanyang bayan. Sa walong daang taon may mga nainip. May mga nawalan ng pag-asa. May mga tumalikod sa Diyos. May mga hindi na umasang matutupad pa. May mga hindi na nagtiwala. Subalit isang gabi sa
Meron akong isang dasal na matagal ko nang hinihingi sa Diyos. Seminarista pa ako nung una kong hiningi iyon sa Diyos. At magpahanggang ngayon, siyam na taon na akong pari, hindi pa rin ibinibigay sa akin ang aking ipinagdarasal. Kung tatanungin nyo ako, “Bakit?” Hindi ko alam kung bakit. Siguro sasabihin nyo sa akin, “Hindi ka ba naiinip?” Paminsan-minsan naiinip din. Tinatanong ko rin sa Diyos, “Panginoon hanggang kailan po ako maghihintay?” Pero lagi namang babalik sa katotohanan na tapat ang Diyos. Hindi ayon sa ating panahon, kundi ayon sa kanyang panahon.
Pasko na naman. Naka-display na naman ang mga belen. Nakasabit na naman ang mga parol. Naka-sindi na naman ang mga pa-ilaw. Ang lahat ng ito ay paalala na ang gabi ng Pagsilang ng Panginoon ay gabi ng pagtupad ng Diyos sa kanyang pangako. Ang Diyos natin ay tapat sa kanyang pangako, mapagkakatiwalaan at maasahan. Manalig tayo sa kanya.