Simbang Gabi, December 22
Ako po ay nag-aral sa San Carlos Seminary, sa Guadalupe, Makati. Sa labas ng seminaryo, napakaraming namamalimos, maraming pulubi. Merong isang seminarista tuwing lalabas siya, bibili siya ng merienda laging pang dalawang tao. Sa kanya yung isa. Ung isa naman para sa isang batang pulubi na lagi niyang dinadaanan. Bago bumalik ng seminaryo, bibili siya ng dalawang merienda, hamburger, o kaya siopao, o kaya monay, o biscuit, o kahit anung meryenda. Isa para sa kanya. Isa para sa batang pulubi.
Minsan, pagkatapos ibigay ng seminarista ang tinapay sa bata, naisipan niyang panoorin kung talagang kinakain nung bata yung meryenda. Pinanood niya yung bata. Binuksan ng bata yung balot. Tapos kumagat ng isa. Tapos nilapag yung tinapay sa semento. Nakita yun ng seminarista at sumugod sa bata. Nagalit ang seminarista dahil hindi inuubos ang tinapay. Sayang. Kaya sabi nung seminarista, hindi na siya magbibigay ng tinapay. Nung tapos ng magsalita ang seminarista nagpaliwanag yung bata. Sabi niya,”Brother, pasensya na po kayo. Tuwing binibigyan nyo po ako ng tinapay, lagi ko pong inuubos. Ngayon ko lang po hindi inubos. Kasi po, nitong mga nakaraang linggo, tuwing uuwi ako, lagi kong kinukuwento sa mga kapatid ko na meron isang mabait na mama na lagi akong binibigyan tinapay. Paulit ulit ko po yang kinukuwneto sa kanila. Pero minsan sabi po nila sa akin, na huwag ko na raw ikukuwento sa kanila, kasi hindi naman daw nila natitikman yung kuwento ko. Naiinggit lang sila. Kaya, ngayon po, hindi ko uubusin ang ibinigay ninyo, para pag-uwi ko sa bahay, pag nagkuwento ako tungkol sa nagbibigay sa aking meryenda, matitikman nila ang kuwento ko.
Sabi nung seminarista, madaling isipin na nagpapalusot lang yung bata, pero sabi niya naniniwala siya sa kuwento ng bata. Kaya hindi siya huminto sa pagbili ng dalawang meryenda. Isa sa kanya. Isa sa batang pulubi.
Alam nating lahat ang kuwento ng ating pananampalataya – ang kuwento ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang kuwento ng dalisay na pagmamahal, ng walang sawang pagpapatawad, ng walang maliw na pagkalinga, ng walang kapagurang pagbibigay ng pagpapala. At ang kuwentong ito ay hindi narinig lang, o salita lang, hindi kuwentong barbero. Dahil sa pagsilang ni Jesus, natikman ng sangkatauhan ang kuwento ng wagas na pag-ibig ng Diyos. Sa pagparito ni Jesus sa mundo, natikman ng tao ang patawarin sa kanyang mga kasalanan, natikman ang pagalingin sa karamdaman, natikman ang makipagkasundo sa Diyos, natikman ang bigyan ng pag-asa, ng direksyon, ng karangalan bilang mga anak ng Diyos. Sa pagdating ni Jesus, natikman natin kung paano mahalin ng isang nag-alay ng buhay sa krus.
Kaya nga sa ebanghelyo ngayon, nasambit ni Maria ang mabubuting kaloob ng Diyos. Sa pagdating ni Jesus, natikman ng bayan ng Diyos, ang lingapin sa kanyang kaabahan, natikman ang busugin ng kabutihan, ang maging mapalad, ang kahabagan, ang katapatan ng Diyos sa kanyang pangako sa ating mga magulang.
Alam nating lahat ang kuwento ng tunay na diwa ng Pasko - ang kuwento ng pagbibigay, ng pakikipagkasundo, ng pagpapakumbaba.