Friday, December 14, 2007

THIRD SUNDAY OF ADVENT

Unang Linggo ng Adbyento: Magbantay!

Magbantay sa pagdating ng Panginoon.

Ikalawang Linggo ng Adbyento: Magbalik-loob!

Magbalik-loob tanda na tunay na paghahanda.

Ikatlong Linggo ng Adbyento: Magsaya! Magalak!

Nagayon ay Gaudete Sunday. Gaudete, ibig sabihin Magalak [Rejoice].

Magalak, dahil Mabuting Balita ang dala ng Panginoon.

Tayo ay pinagbabantay sa kanyang pagdating hindi lamang dahil tayo ay huhusgahan. Tayo ay pinababalik-loob sa Diyos hindi lamang para maiwasan ang kaparusahan. Tayo ay pinagbabantay at pinababalik-loob dahil ito ang magdadala sa atin ng tunay na kasiyahan, ng tunay na kagalakan.

Sa isang parokya, nagdonate ang Gardenia ng mga tinapay. Ipinamigay sa mga parokyano ng walang bayad. Pagkatapos iuwi ng bata ang tinapay sa kanyang nanay, narinig ng isang parishioner sabi ng nanay, “Ito ba ang bigay ng simbahan. Tinapay lang. Problema pa natin ang palaman nito eh.” Hindi na nga nagpasalamat, nagreklamo pa.

Meron tayong mga inaasam sa buhay at iniisip, makuha ko lang, magkaroon lang ako nito, magawa ko lang ito, sinasabi natin sa sarili natin sasaya na ako. Pero kapag nakuha na, kapag nagkaroon na, kapag nagawa na, oo, sasaya ng sandali. Pero makikita kung ano ang kulang. Makakalimutan na. Magsasawa na. Maghahanap na ng iba.

Hangga’t ang kasiyahan natin ay nakasalalay sa materyal na bagay; hangga’t ang kagalakan natin ay nakasalalay sa kung anung kayang ibigay ng daigdig na ito, ang kasiyahan natin ay laging magkukulang. Ang kagalakan natin ay laging may hangganan. Tanging ang kasiyahang galing sa Diyos ang hindi magkukulang; tanging ang kagalakang galing sa Diyos ang sasasapat, ang hindi matatapos, dahil tanging Diyos lamang ang walang hangganan.

Kaya tayo pinagbabantay sa pagdating ng Diyos. Kaya tayo pinababalik-loob sa Diyos, dahil hanggang ang kaligayahan natin ay nakasalalay sa kayang ibigay ng mundo hindi tayo tunay na magagalak at sasaya. Tanging sa Diyos lamang ang kagalakang walang hanggan, dahil Diyos lamang ang walang hanggan.

Kahit gaano kahirap ang buhay, laging masaya ang Pasko. Pero ang mahalagang tanong: Ano ang nagpapasaya sa iyo? Sino ang nagbibigay sa iyo ng kagalakan? Diyos ba?