Merong kuwento tungkol sa isang pari sa isang maliit na parokya. Dahil maliit ang parokya, maliit ang kolekta. Dahil maliit lang ang kolekta walang pangsuweldo sa sacristan, kaya siya mismo ang nagbubukas at nagsasara ng simbahan.
Minsan, pagkatapos ng misa, pagkatapos magbihis, habang nagsasara si Father ng simbahan, merong isang bagong parishioner na dumating.
Sabi sa kanya, “Pssst. Boy, andyan ba si Father?”
Nagulat ang pari. “Andyan po,” sagot niya.
“Pakitawag nga. Sabihin mo magpapabless ako ng kotse,” sabi ng parishioner.
Umakyat ang pari, pumunta sa kwarto, nagsutana atsaka bumaba.
Nang makita ng parishioner, hiyang hiya ito at sorry ng sorry.
Sabi ng parishioner, “Pasensya na kayo Father, hindi ko kayo nakilala. Hindi kasi kayo naka-costume eh.”
Importante sa atin ang itsura. Importante sa atin ang nakikitang panglabas. At madalas sa itsura pa lang meron na tayong mga panghuhusga. Ah, mukha itong mayaman. Mukha itong me alam. Mukha itong mahirap. Mukha itong masungit. Mukha itong snatcher. Mukha itong hindi gagawa ng mabuti. Mukha itong mabait. Mukha itong me sayad.
Sa ebanghelyo ngayon, makikita ang dalawang magkakaibang itsura.
Una, si Juan Bautista, nakasuot ng balat ng kamelyo at na may sinturon na balat din. Yun lang. Sigurado ako kapag me pumasok dito sa simbahan na nakasuot ng balat ng kamelyo at nakasinturon, at yun lang ang suot, ang iisipin kagad natin, “Me sayad to.” Ikalawa, ang mga Pariseo at Saduseo, dahil sila ay mga pinuno ng mga Hudyo, siguradong magagara at mamahalin ang kanilang mga damit.
Si Juan na nakadamit ng balat ng kamelyo at sinturon, at mga Pariseo at Saduseong nakadamit ng magara. Kung itsura ang mahalaga madaling maniwala sa mga Pariseo at Saduseo kaysa kay Juan.
Pero kinampihan ni Jesus si Juan Bautista at kinagalitan naman ang mga Pariseo at Saduseo dahil sa kanilang pagbabalatkayo.
Anung saysay ng magagarang damit kung ang puso naman ay puno ng galit. Anung saysay ng mamahaling sapatos kung wala namang pagmamahal sa kapwa at sa Diyos. Anung saysay ng pampaganda at pamapagwapo kung ang ugali ay kasimpangit ng tsonggo.
Usong uso ngayon ang cosmetic surgery; para gumanda at gumwapo. Papadagdag ng ilong. Papabawas ng baba. Papadagdag ng hinaharap. Papabawas ng taba. At kung anu-ano pang puedeng ibawas at idagdag.
Gusto niyong malaman ang sikreto ng tunay na kagandahan? Kagandahan ng kalooban. Kapag tunay na maganda ang kalooban, magnining sa labas ang tunay na kagandahan. Hindi kailangan ang magarang damit, o mamahaling sapatos. Hindi kailangan ang sangkatutak na make-up. Hindi kailangan magpadagdag o magpabawas. Kapag malinis ang puso, magliliwanag sa mukha ang tunay na kagandahan.
Ngayong panahon ng Adbiyento ito ang paala-ala. Maghanda sa pamamagitan ng pagsisi sa kasalanan at pagtalikod sa masama. At sigurado gaganda ang iyong pasko.