Saturday, December 29, 2007

SULYAP SA BATAD

sa bawat hakbang ng mga paang

ang sakit hanggang talampakan

bakit kailangang sumabak sa lakaran?

sa bawat kirot ng kalamnang

kanina pa tinitiis

bakit ‘di na lang sumakay ng jeep?

sa bawat pagdausdus

sa batuhan at putik

bakit ‘di na lang kaya bumalik?

sa bawat tulo ng pawis

sa mata, dala ay hapdi

bakit walang dalang ginhawa ang lamig?

sa bawat paglikong

‘di na yata matatapos

bakit nagtitiis sa hiningang kapos

sa bawat hibla ng katawang nagpupumilit

tama na, hinto na, pagod na

bakit tatayo pa rin, at tumutuloy pa?

aaaaah, heto na ang hinihintay

animu’y langit na liblib

bundok na hinagdang bukid

matarik mang gilid ng bundok

tinubigan, pinatag, pinantay,

tinamnan ng kayamanang palay

sa lamig ng malinis na hangin

hingal, ngawit, kahit na tapilok

hihipan papalayo sa kabila ng bundok

sa katahimikang nilalaro ng kuliglig

nanunuot sa damdamin at loob

papayapa kahit ang may reklamong bugnot

lakad na isang oras at kalahati

maliit lang na bayad

para masulyap ang kahanga-hangang Batad