Hindi madamot ang Diyos!
Ito marahil ang aral na ipinapahayag ng kuwento sa ating ebanghelyo ngayon. Biro mo katumbas ng isang araw na suweldo ang ibinigay ng amo sa mga nagtrabaho ng ilang oras lang. Ganun din ang ibinigay sa mga nagtrabaho ng kalahating araw lang.
Hindi yata makatarungan yun sa mga nagtrabaho ng buong araw? Sabi sa kuwento, iyon naman ang napag-usapan nila bago sila nagtrabaho: buong araw na suweldo sa buong araw na pagtratrabaho. Kaya, walang binabale walang kasunduan ang amo. Mapagbigay lang talaga siya.
Minsan pakiramdam natin tinitiis tayo ng Diyos dahil hindi ipinagkakaloob ang ating hinihingi, pero kapag nagbigay naman sobra-sobra sa hinihingi natin: siksik, liglig at umaapaw!
Naikuwento ko na sa inyo ang tungkol sa tatay ko. Seminarista na ako, ang tatay ko hindi pa rin namin nakakasama sa pagsisimba kapag araw ng Linggo. Ito ang pinoproblema ng nanay ko. Anumang pilit ang gawin niya, talagang hindi nagsisimba. Kaya ang payo ko sa nanay ko, ipagdasal na lang natin. Sabi ko sa kanya darating din ang panahon na magsisimba yan. Ang tanging hiling ng nanay ko, magsimba ang tatay ko kapag araw ng Linggo.
Isang araw, dalawang taon bago ako maging pari, tumawag ang nanay ko sa seminaryo, tuwang-tuwa. Meron daw kumpisalang bayan sa parokya namin nung nakaraang gabi, at nag-aya daw magkumpisal ang tatay ko. Kinalingguhan, sumama siyang magsimba at tumanggap ng komunyon. Sobra-sobra ang saya ng nanay ko. Pero hindi doon nagtatapos ang kuwento, dahil makalipas lang ng ilang araw, sumali ang tatay ko sa Lay Minister at nag-serve sa pagsusubo ng komunyon. Tapos, pumasok silang mag-asawa sa Marriage Encounter. Tapos, sumali sa weekly Bible sharing. At ang balita ko naging officer pa yata ng grupo nila sa Marriage Encounter.
Ano ang hiningi sa Diyos? Makapagsimba kung araw ng Linggo. Ano ang ibinigay ng Diyos? Hindi lang pagsisimba lingo-lingo: nagkumpisal, nag-lay minister, nag-Marriage Encounter, nag-Bible sharing, naging officer pa!
Talagang siksik, liglig at umaapaw.
Our God is a generous God! He gives more than we ask for. He gives more than what we expect. He gives more than what we need. He gives more than what we can imagine. Sometimes, to a point that we do not understand. But He gives.
Kung ang Diyos ay hindi madamot sa atin,