Saturday, September 13, 2008

Ang Tanda ng Krus

Ngayon ay kapistahan ng Pagtataas ng Krus. Noong taong 320 natagpuan ang krus na pinagpakuan ni Kristo, na iniutos hanapin ni Sta. Elena, na nanay ni Constantino. Ito ang ugat ng ating ginagawang Sta. Krusan - si Reyna Elena na may hawak na krus kasama si Constantino na kanyang anak. Simula noon ipinangalat ang pagbibigay ng parangal sa krus ni Kristo.

Kung meron isang simbulo ng ating pananampalataya na alam ng karamihan kung hindi man lahat ito na marahil ang simbulo ng krus, o ang tanda ng krus. Lahat tayo marunong magantanda ng krus. At ginagawa natin ito sa iba't ibang dahilan, sa iba't ibang pagkakataon.

Yung mga bumibiyahe kapag napadaan sa simbahan nag-aantanda ng krus. Yung mga estudyante bago kumuha ng exam nag-aantanda ng krus. Yung mga basketball players bago mag-free throw nag-aantanda ng krus. Si Manny Pacquiao bago makipagsuntukan nag-aantanda ng krus. Yung mga bata bago tumalon ng swimming pool nag-aantanda ng krus. Yung mga matatakutin bago pumasok sa isang madilim na kuwarto nag-aantanda ng krus. Naniniwala tayo na may kapangyarihan ang pag-aantanda ng krus.

Pero hindi laging ganyan. Merong pagkakataon sa kasaysayan ng mga Hudyo at mga Romano na ang krus ay kinatatakot, kinahihiya at iniiwasan. Dahil ang krus ay tanda ng isang mabigat na parusa na ibinigay sa mga traydor, sa mga rebelde, sa mga matitinding kriminal.

Ano ang nangyari at ang krus na dating tanda ng kahihiyan ay naging tanda ng pagpapala at biyaya ng Diyos? Dahil may isang sugo ng Diyos, isang anak ng Diyos ang namatay sa krus at nabuhay muli. Dahil sa pag-aalay ng buhay ni Jesus sa krus, ang dating tanda ng kahihiyan na kinatatakutan ay naging tanda ngayon ng pagpapala at biyaya ng Panginoon. The son of God who died on the cross and rose again transformed the cross from being a sign of shameful death to a sign of grace and blessings.

Sa tuwing tayo ay nag-aantanda ng krus, naniniwala tayo sa kapangyarihn ng krus dahil ito ay binago ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo. Kung merong isang paalala ang pagdiriwang natin ngayon ito ay ang pagbabago na kayang gawin sa atin ng kapangyarihan ng Diyos.

If God can transform the cross from being a sign of severe punishment to become an instrument of grace and new life, so also the power of God can transform us. Anumang bigat ng kasalanana natin, anumang laki ng kahinaan natin, anumang itim ng kasamaaan natin, kaya tayong baguhin ng biyaya ng Diyos at maging intrumento ng biyaya at pagmamahal sa kapwa.

Itinaas ang krus dahil ito ay makapangyarihan - may kapangyarihan baguhin ang sinuman mula sa pagiging kampon ng kasamaan upang maging kasangkapan ng kabutihan at pagpapala para sa ating sarili at para sa ating kapwa.

Kung kaya ng Diyos na baguhin ang kahulugan ng krus, kaya ding baguhin ng Diyos ang tao. Kung paano ang krus na instrumento ng kamatayan ay naging kasangkapan ng pagpapala, ang tao, anumang kasalanan o kahinaan meron siya ay kaya ding maging tagapaghatid ng biyaya at pagpapala.

Ano ba ang kailangang baguhin ng Diyos sa atin? Anu-ano ba ang kakulangan natin upang maging tanda tayo ng pagpapalang matapat ng Diyos?

Sa pag-aantanda ng krus, sa jeep man o sa eskuwelahan, sa dilim man o liwanag, kinikilala natin ang kapangyarihan ng krus ni Kristo, hilingin natin ang biyaya ng pagbabago.