26th Sunday in Ordinary Time, Year A
Sa ebanghelyo ngayon, dalawang anak ang inutusang magtrabaho sa ubasan ng kanilang Ama. Yung isa umayaw pero pumunta rin at nagtrabaho. Sabi ng Panginoon, siya ang sumunod sa kalooban ng Ama. Yung isa naman pumayag pero hindi pumunta at hindi nagtrabaho. Itong isang ito walang isang salita; hindi tinupad ang pagtratrabaho sa ubasan.
Ayaw natin sa mga taong walang isang salita. Oo sa harap natin pero hindi naman gagawin. Ayaw natin sa mga taong hindi tumutupad sa kanilang mga pangako. Dada lang ng dada wala namang ginagawa. Ayaw natin sa mga taong hindi kayang pangatawanan ang sinasabi. Matapang sa salita pero duwag naman sa gawa.
Sa madaling sabi, walang saysay ang salita kung walang kasamang gawa.
Ayaw din ng Diyos sa mga Kristiyanong “I believe in God…” ng “I believe in God…” pero hindi naman namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Ayaw din ng Diyos sa mga taong tanggap ng tanggap ng Katawan ni Kristo pero hindi naman nagsisikap tumulad kay Kristo. Ayaw din ng Diyos sa mga taong luhod ng luhod at dasal ng dasal, pero hindi marunong tumulong sa mga nangangailangan. Ayaw din ng Diyos sa mga taong hingi ng hingi ng patawad pero hindi naman marunong magpatawad sa mga nagkakasala sa kanila. Ayaw din ng Diyos sa mga taong hingi lang ng hingi pero hindi naman marunong magbigay at magbahagi.
Huwag ninyo itong kalilimutan, walang saysay ang ating pagsisimba kahit gaano kataimtim, kahit gaano pa kalaki ang hinuhulog mo sa kolekta, kahit gaano ka pa katagal nakaluhod, kung pagkatapos mong simba, paglabas mo sa simbahan ay namumuhay kang makasarili, maka-mundo at hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos. Kung hindi namumunga ng kabutihan at kabanalan sa pangaraw-araw mong buhay ang iyong pagsisimba at pagdarasal hindi pa tunay ang iyong pagsisimba at pagdarasal. Kung baga, salita ka lang ng salita wala namang gawa.
Ayaw natin sa mga taong walang isang salita. Ayaw din ng Diyos sa mga Krisityanong hindi tunay ang pananampalataya. Tunay ba ang iyong pananampalataya?