Saturday, June 14, 2008

WWJD - What Would Jesus Do?

Pinangalanan ni Jesus ang labing dalawang alagad, at sinabi sa kanila, "Humayo kayo ang ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo."

Kung susuriin nating mabuti ang mga pinapagawa ni Jesus, ito ang mga ginagawa niya. Pinangaral ni Jesus na malapit nang maghari ang Diyos. Pinagaling ni Jesus ang mga maysakit, ang mga ketongin, Binuhay ni Jesus ang mga patay, at pinalayas niya ang mga demonyo. Sa madaling salita, ang sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ay "Gawin ninyo ang mga ginagawa ko."

Ito ay paanyaya hindi lamang sa mga apostol kundi para sa ating lahat. Gawin natin ang ginawa ni Jesus. Tumulad tayo sa kanya. Gayahin natin siya.

Dati merong nausong bracelet na may nakalagay na WWJD. Ano ang ibig sabin ng WWJD? What Would Jesus Do? Ano ang gagawin ni Jesus? Kung si Jesus ang humaharap sa hinaharap natin ano ang gagawin niya? Mahalagang tanong ito para sa mga Kristiyano, dahil sa pamamagitan nito matutularan natin si Jesus, magagawa natin ang ginawa ng Panginoon.

Ngayon ay araw ng mga tatay. Maganda paalala ito sa mga tatay ng tahanan - gawin kung anong ginawa ni Jesus. Ang pamilya ay tinatawag nating simbahang tahanan o "domestic church." Ang pamilya ay isang munting simbahan. Ang paanyaya sa mga tatay ay gawin kung anong ginawa ni Jesus. Maging "Jesus" sa kanyang pamilya. Magpagaling ng mga nasaktang damdamin. Buhayin ang namamatay na pag-asa. Palayasin ang kasalanan at kasamaan.

Ito ay paanyaya hindi lamang sa mga tatay kundi para sa lahat ng Krisityano. Tularan si Jesus. Gayahin ang kanyang halimbawa. Gawin kung ano ang ginawa ng Panginoon.

Kung si Jesus ang nasa katayuan natin ano kaya ang gagawin niya? Ganun din ba ang gagawin natin?