Thursday, June 12, 2008

PILIPINAS KONG MAHAL

Ngayon ay Araw ng Kalayaan.

Sa paligid-ligid makikita ang sangdamukal na tarpaulin na nagsasabing PILIPINAS KONG MAHAL. Sabi ko sa sarili ko tama nga, kasi dito sa Pilipinas MAHAL ang kuryente, mahal ang tubig, mahal ang gasolina, mahal ang bigas, mahal ang magpagawa ng daan [dahil kinukurakot], mahal magtayo ng poste ng ilaw [dahil binubulsa, remember Cebu?], mahal magpagawa ng school building [kasi ninanakaw]. Dapat siguro ang nakalagay sa tarpaulin PILIPINAS KO, MAHAL!. hehehe...

Sa hirap ng buhay sa Pilipinas me nagmamahal pa ba sa Pilipinas? Sa mahal ng bilihin dito sa Pilipinas may nagmamahal pa ba sa bayan? Siguro puro MURA ang inaabot ng Pilipinas!

Kapag tiningnan mo ang ating bayan, totoong maraming kang makikitang dahilan para panghinaan ng loob, para mawalan ng pag-asa: krisis dito, krisis doon, skandalo dito, skandalo doon, kupit dito, kupit doon, tongpats dito, tongpats doon, at mahabang listahan ng mga bad news. Kaya siguro maraming ayaw na dito sa Pilipinas, nangingibang bansa.

Sa paghahanap ko ng dahilan para patuloy na mahalin ang Pilipinas, hindi ko na kailangan lumayo. Tiningnan ko na lang ang parokya ko [Transfi], ang barangay ko [San Roque], ang mga kapitbahay ko [sa 18th ave., sa Bayanin, sa East Road]. At dito napakaraming butil ng mabubuting gawa at usbong ng pag-asa.

Sa totoo lang, sa mga problema ng bayan, marami sa atin wala namang diretsahang magagawa. Pero sa mga taung nakapaligid sa atin, sa ating pamilya, sa ating kapitbahayan, sa ating barangay, sa ating parokya, sa pamayanan kung saan tayo gumigising araw-araw at humihimlay gabi-gabi, meron tayong magagawa, meron tayong maibibigay, meron tayong responsibilidad.

Para sa akin ang ibig sabihin ng PILIPINAS KONG MAHAL ay pamilya kong mahal, kapitbahay kong mahal, pamayanan kong mahal, barangay kong mahal, parokya kong mahal. At sa awa ng Diyos, ang pagmamahal na ito ay uusbong at lalago para yakapin ang buong bayang Pilipinas.

To love the country we do not have to dream big as big as the sum of the 7,100 islands in the archipelago. What we need is to dream big for small communities - the family, the neighborhood, the barangay, the community and the parish. What we need today are not big dream, but small initiatives done with a big heart.