Bahay na nakatayo sa buhangin o bahay na nakatayo sa bato? Alin ang mas matibay? Yan ang paksa ng ebanghelyo sa araw na ito. Hindi magigiba ng anumang unos o sakuna ang bahay na matibay na nakatayo sa bato! At sa buhay ng tao, ang batong ito ay ang pakikinig sa salita ng Diyos at pagsasabuhay nito. Ito ang matibay na pundasyon ng isang Kristiyano.
Nitong nakaraang linggo tatlong patay ay aking minisahan. Pagkatapos ng misa, laging may kainan kasama ang mga naulila. Laging may kasamang kuwentuhan tungkol sa namatay. Pinagkukuwentuhan ba kung gaano karami ang pera ng namatay? Kung gaano karami ang kotse? Kung gaano kalawak ang kapangyarihan? Kung gaano kasikat? HINDI! Ang pinagkukuwentuhan ay kung gaano kabait ang namatay? Kung gaano karami ang natulungan, ang napaglingkuran. Kung gaano niya kamahal ang kanyang pamilya. Bakit? Kasi ang mga ito ang matibay na pundasyon ng ating buhay - ang mga kabutihang nagmumula sa kalooban ng Diyos. Ang pakikinig sa Kanyang salita at pagsasabuhay nito, Ito ang batong tayuan ng matibay na bahay. Ito ang pundasyon ng pananampalatayang buhay.
Magandang suriin natin ang ating sarili: saan ba nakatayo ang buhay natin? sa buhangin o sa bato?