12th Sunday, Ordinary Time, Year A
Noon pong ako ay bagong ordain na pari, may nagtanong sa akin, “Father, ano ba ang pakiramdam ng inoordenahang pari? Siguro excited na excited ka!” Sabi ko sa kanya, “Oo, sobrang excited ako.” Pero sa totoo takot na takot po ako nung panahon na iyon. Marami akong tanong sa sarili ko.
Kaya ko ba talagang maging mabuting pari? Kaya ko bang magbigay ng aking sarili ng hindi naghihintay ng kapalit? Kaya ko bang sumunod sa lahat ng ipapagawa sa akin ng aking Obispo? Baka magrebelde lang ako? Kaya ko bang mangaral araw-araw sa tuwing ako ay magmimisa? Baka maubusan ako ng sasabihin? Kaya ko bang hindi mag-asawa at hindi magkaanak hanggang sa huli? Baka bumigay lang ako sa tukso? Baka maging iskandalo lang ako sa simbahan? Kaya ko bang mamuhay ng isang simpleng buhay? Baka masilaw lang ako sa pera?
Marami akong tanong. Marami akong takot. Hanggang ngayon nandito pa rin sa akin ang mga tanong. Nandito pa rin ang mga takot pero mas matapang na ako ngayon dahil nalaman kong kung mahalaga sa Diyos ang isang maya, ako pa kayang mas mahalaga sa libu-libong maya. Sabi ng ebanghelyo ngayon “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.” Kikilalanin tayo ng Diyos kung kikilalanin natin ang kapangyarihan ng Diyos. Hindi tayo pababayaan ng Diyos kung hindi natin pababayaan ang pagmamahal natin sa kanya. At kung kinikilala tayo ng Diyos; kung hindi tayo pababayaan ng Diyos, walang dahilan para matakot.
Sabi ni propeta Jeremias sa unang pagbasa, “Awitan ninyo ang Poon, inyong purihin ang Poon sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.” Hindi pababayaan ng Diyos ang inaapi dahil sa katuwiran, dahil ililigtas niya ang matuwid, ang mabuti, mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.
Sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, “ang kagandahang loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan.” Ang kagandahang loob ng Diyos ay higit na makapangyahrihan kaysa sa kasalanan, kaysa sa kasamaan, kaysa sa pagsubok, kaysa sa krus.
Meron pong nagsabi, “Courage is not the absence of fear; rather, courage is the realization that there is something greater than our fear.” In our case, courage is the realization that there is SOMEONE greater than our fear. God is greater than our fear. We are not afraid to tell the world that we are Christians, that we are followers of Jesus Christ. We are not afraid to face suffering, trial, pain and difficulties. We are not afraid to carry our own crosses because God is greater than any trial; his power is stronger than any suffering; his love is more refreshing than any cross.
Kung uusisain natin ang mga kaganapan sa paligid, nakakatakot isipin kung saan papunta ang mga nangyayari sa ating bayan. Marami ang nagugutom sa taas ng presyo ng bigas [Nahihirapan na po ang parokya natin na mag-order ng NFA rice]. Dumadami ang naghihirap sa taas ng kuryente, sa taas ng mga bilihin. Marami ngayon ang sinasalanta ng bagyo at ng baha. Nakakatakot isipin na isang araw baka pulutin na lang tayong lahat sa kangkungan. Pero pasasaan ba at makakaraos din tayo. Ang mga Pilipino tatayo pa ring nakangiti. Hindi dahil manhid at walang pakialam, kundi dahil hindi tayo marunong bumitaw sa Diyos.
Ang takot hindi mawawala, pero ang kumikilala sa Diyos ay kikilalanin ng Diyos, hindi pababayaan, hindi magpapatalo sa takot.