11th Sunday, Ordinary Time, Fathers' Day
Accontant po ang tatay ko. Pero kapag tinatanong siya kung ano ang trabaho niya lagi niyang sinasabi driver siya. Totoo naman yun, kasi nung maliit ako lagi kaming may pampasaherong jeep na pinapapasada sa ibang driver. At kapag wala siyang masyadong trabaho sa pag-audit, tatay ko mismo ang nagdra-drive ng jeep. At palagay ko mas mahal niya ang pagmamaneho kaysa sa trabaho niya sa opisina, kasi lagi niyang kinukuwento sa amin na bata pa siya pangarap na niyang magkaroon ng sasakyan. Hindi sila mayaman, kaya ang laging tanong sa kanya ng mga nakakarinig nito ay kung paano siya makakabili ng sasakyan. At ang laging sagot daw ng tatay ko, “Basta ang alam ko ang pangarap napag-iipunan.”
1972 kinasal ang nanay at tatay ko. 1973 ako ipinanganak. 1977 ng naka-ipon na sila, apat na taon ako, tatlong taon ang sumunod sa akin, hindi pa pinapanganak ang bunso namin, natupad ang pangarap ng tatay ko, nakabili siya ng jeep. At simula nun hindi na kami nawalan ng sasakyan.
Dahil sa tatay ko natuto po akong mangarap, at lagi kong sinasabi sa sarili ko, “Ang pangarap napag-iipunan.”
Sa ebanghelyo ngayon pinangalanan ni Jesus ang kanyang mga Apostol, at sa kanila sinabi ang kanyang pangarap. Pangarap ni Jesus na lahat tayo ay makapasok sa kaharian ng Diyos. “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.” Kung ang pangarap ay napag-iipunan, ano ang puede nating ipunin para matupad ang pangarap na paghahari ng Diyos?
Mag-ipon ng katapatan sa Diyos.
Sa unang pagbasa sabi ng Panginoon kay Moises – “Kung susundin ninyo ako at hindi at hindi kayo sisira sa pakikipagtipan ko sa inyo, kayo ang magiging bayan kong hinirang.” Alamin ang mga atas ng Panginoon at mamuhay ayon dito.
Mag-ipon ng pasasalamat sa Diyos.
Sabi sa ikalawang pagbasa – “Nagagalak tayo’t nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo sapagkat dahil sa kanya ay tinaggap tayo ng Diyos na mga kaibigan niya.” Ang magpasalamat sa Diyos ay ang pag-amin ng lubos na pangangailangan natin sa Diyos. At kahit hindi tayo karapat-dapat walang kapantay ang kanyang pagmamahal sa atin.
Mag-ipon ng mabubuting gawa.
Sabi sa ating ebanghelyo – “Yamang tumanggap kayo ng walang bayad magbigay kayo nang walang bayad.” Sa pagmamalasakit at paglilingkod sa kapwa natatanto ang mabubuting bunga ng biyaya ng Diyos.
Sa lahat ng mga tatay, dalangin ko na matupad ninyo ang inyong mga pangarap para sa inyong mga mahal sa buhay. Ngunit higit sa lahat, dalangin ko na sa inyong pamilya ay matupad ang paghahari ng Diyos – isang pangarap na matutupad sa pag-iipon ng katapan, ng pasasalamat at mabubuting gawa.