Mahal ba ako ng Diyos?
Marahil may mga pagkakataon na tinatanong natin ito. Kapag patung patung ang problema. Kapag hindi natin alam kung saan magsisimula. Kapag hindi na natin alam kung hanggang saan, hanggang kelan. Kapag wala na tayong makapitan. Kapag inip na inip na tayo sa pinagdarasal natin. Mahal ba tayo ng Diyos?
Oo, sa kanyang Salita, sinabi ng Diyos na mahal niya tayo. Pero hindi natapos sa salita, dahil ang Salita ay naging tao at nakipamuhay sa atin. Iyan ang misteryo na ating pinagdiriwang sa Pasko. Si Hesus, ang anak ng Diyos, ang Salita ng Diyos, nagkatawang tao, naging katulad natin, nakipamuhay sa ating piling, sumasaatin. Isang malinaw na patunay kung gaano tayo kamahal ng Diyos.
Dalangin ko sa siyam na araw ng Simbang Gabi, nawa, sa bawat pagsisimba natin, sa bawat pagluhod, pag-awit, pagtanggap ng komunyon, ay matanto natin kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Oo, sinabi ng Diyos sa kanyang Salita, higit pa dun ang Salita ay naging tao at nakipamuhay kasama natin. Hindi lamang sa Bethlehem, hindi lamang noon dalawang libong taun na ang nakakalipas. Kundi kasama natin ngayon. Ano man ang katayuan natin sa buhay. Ano man ang ating pinagdadaanan. Saan man tayo naroroon. Ang Diyos ay sumasaatin. Ang Diyos ay Emmanuel!