Thursday, December 17, 2009
Pamilya ang Tanda
December 17, 2009
Ang Salita, si Hesus, ay naging tao. Pinaglihi ni Maria. Pinanganak sa sabsaban. Pinanganak sa isang pamilya. Dahil dito ginawang banal ng Diyos ang lahat ng pamilya. Kaya ang pagmamahal ng pamilya ay naging tanda ng pagmamahal ng Diyos. Kaya ang pagmamahal ng pamilya ay tanda ng presensya ng Diyos, tanda na sumasaatin ang Diyos, tanda na kasama natin ang Diyos.
Sa ebanghelyo ngayon, narinig natin ang napakaraming pangalan. Ito ang mga ninuno ni Jose, na asawa ni Maria, tataytatayan ni Hesus. Kaya ito rin ang mga ninuno ni Jesus. At kung susuriin may mga pangalan dito na may hindi magandang kuwento. Ibig sabihin hindi dinoktor ang mga pangalan para pagtakpan ang kanilang mga kahinaan. Sa kapanganakan ni Hesus, niyakap ng Diyos ang mga ninuno ni Jose, niyakap ng Diyos ang kahinaan ng kanyang mga ninuno, niyakap ng Diyos ang kahinaan ng pamilya.
In the family, we tend to reward the good and punish the weak. But the gospel today exhorts us to make the love within the family embrace not only the strong, the successful or the good, but also to embrace the weak and the failure. The family becomes a sign of God’s presence among us if the family learns to embrace the failures and weakness of family members.
Meron po akong kinasal, pagkatapos lang ng isang buwan na pagsasama, yung lalaki nagkaroon ng problema sa kanyang mga magulang dahil sa kanyang asawa. Nagkasagutan. Nagalit. Nakapag-salita ng hindi maganda. Hindi nagkasundo. Sabi ng tatay, “Kalimutan mo nang may magulang ka. Kakalimutan ko nang may anak ako.” Mga salitang galit. Mga salitang masakit. Mga salitang hindi madaling makalimutan. Pero sa totoo hindi puedeng kalimutan ang pamilya. Bali-baliktarin man natin ang mundo, ang magulang ay mananatiling magulang, at ang anak ay mananatiling anak. Kahit na anung kalimut ang gawin natin hind nakakalimut ang sinapupunan, hindi nakakalimut ang dugo.
Lagi nating naririnig na ang pasko daw ay pagkakataon para magsama-sama ang buong pamilya. Tama po iyun. Pero idagdag natin na ang pamilya ay dapat magsama-sama hindi lamang kung pasko. Bagkus, ang pamilya ay dapat magsama-sama sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, sa tagumpay at pagkabigo, mahusay man o mahina. Ang pamilya ay dapat patuloy na nagmamahal.
Mag kapatid, hindi kailangang pagtakpan ang kahinaan ng ating pamilya. Alam ng Diyos yan. Naiintindihan ng Diyos yan. Ang kailangan ay yakapin ang kahinaan at patuloy na magmahal dahil sa pagmamahal ng pamilya mararanasan ang pagmamahal ng Diyos, sa pagmamahal ng pamilya matatanto na kasama natin ang Diyos. Amen.