Thursday, December 17, 2009
Pagbabago ang Tanda
December 16, 2009
Ang Misteryo ng Pasko: Ang Diyos ay nagkatawang tao; ang Diyos ay naging katulad natin, nagins kasama natin. At dahil kasama natin ang Diyos, ang pag-ibig ng Diyos ay sumasaatin.
Anu-ano ang mga palatandaan na ang pag-ibig ng Diyos ay sumasaatin?
Bilang paghahanda sa pagdating ng Mesias, si Juan Bautista ay nagbinyag sa diwa ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ito ang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa atin, ang pagkakataon para magbalik-loob, ang pagkakataon para magbago.
Kung tunay na kasama natin ang Diyos, nararapat lamang na ang pakikipagtagpo natin sa Diyos ay magkaroon ng epekto sa buhay natin. Ang makapiling ang Diyos ay magbabago sa buhay natin.
Meron akong mga parishioners na nagpunta ng Davao. Sinasama nila ako pero hindi ako puede. Pagbalik nila kinamusta ko ang pamamasyal nila sa Davao. Ang bungad kagad sa akin, “Father, nakita namin si Mommy Dionesia!” Nag-isip ako kung sino si Mommy Dionesia. Sabay pakita ng picture sa akin. Ah siya nga pala ang nanay ni Manny Pacquiao. Sa dami ng ginawa nila sa Davao, sa dami ng pinuntahan nilang mga lugar doon, ang bungad na kuwento ay si Mommy Dionesia.
Ganun naman tayo talaga. Ang makakita ng artista, ang makaharap ang sikat, ang makapagpiktur sa hinahangaan, hindi natin yan makakalimutan. May tatak sa atin. May epekto sa atin. Paano pa kaya kung makasama natin ang Diyos. Hindi puedeng makapiling natin ang Diyos at hindi tayo maapektuhan. Hindi puedeng makasama natin ang Diyos ang hindi tayo mabago.
If our Christmas is true then Christmas should change us. If our Christmas is genuine then Christmas should make us faithful like Mary. If our Christmas is authentic then Christmas should make us just like Joseph. If our Christmas is real then Christmas should make us generous like Jesus.
Pagbabago ang tanda na kasama natin ang Diyos. Dahil kung tunay nating kapiling ang Diyos ngayong Pasko, babaguhin tayo ng Pasko. Amen.