“Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.”
Wala po yang pinag-iba sa kasalukuyan kung saan ang magkakapatid ay nag-aaway dahil sa mana. Kung saan ang mga magkakapatid ay nagpapatayan dahil sa lupa. Kung saan ang mga magkakamag-anak ay hindi nagpapansinan, hindi nag-uusap, hindi nagtutulungan dahil sa mana nila.
Ano ang sagot ng ebanghelyo? “ ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na ihihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Ano ang sabi ng unang pagbasa? “Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay, sinabi ng Mangangaral.”
Ano ang sabi ng ikalawang pagbasa? “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo.”
Masama bang mag-ipon ng kayamanan? Masama bang magipon ng pera? Masama bang maging masagana sa materyal na bagay? Hindi po. Ang masama ay ang maniwala na kaya tayong iligtas ng kayamanan. Ang masama ay ang maniwala na pera lang ang mahalaga dito sa lupa. Ang masama ay ang hangarin ang materyal na bagay lamang. Ang masama ay kung hindi tayo marunong magbahagi, hindi tayo marunong magbigay.
Meron pong lumapit sa akin nagpapatulong para ayusin ang away nilang magkakapatid dahil sa mana. Sabi ng isang kapatid, “Father, walang kapa-kapatid dito. Ang sa akin ay sa akin at wala makakakuha nito.” Ibig sabihin, mas mahalaga ang mana kesa sa pagiging pamilya. Mas mahalaga ang materyal na bagay kesa sa pagmamahal.
Malakas talagang makabulag ang kinang ng materyal na bagay. Pero hindi po lahat ng kumikinang ay ginto. Malinaw ang paalala ng mga pagbasa: kailanman ang tunay na kayamanan ay hindi matatagpuan dito materyal na bagay. Ang tunay na kayamanan ay matatagpuan sa puso ng Diyos.