“Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito!” Ang pagdating daw po ng Anak ng Diyos dito sa lupa ay katulad ng pagdating ng apoy. At tungkulin po nating mga nananlig kay Kristong anak ng Diyos na papagningaisin ang apoy na ito, na papa-alabin ang apoy na ito.
Ano ang pagkakaiba ng pananampalatayang ordinaryo lamang at ng pananampalatayang nag-aalab? Sa pagsisimba halimbawa, ang hinihingi ng batas ng simbahan ay magsimba kung araw ng linggo, sa makatuwid isang beses sa isang linggo. Para sa ordinaryong pananampalataya sapat na ang magsimba ng isang beses sa isang linggo, ang magsimba kung araw ng Linggo. Pero sa pananampalatayang nag-aalab hindi kuntento ang minsanang pagsisismba sa isang linggo, magsisikap makapagsimba araw-araw hangga’t maari. Ang pananampalatayang nag-aalab ay nagbibigay ng higit sa hinihingi ng batas.
Sa pagtulong sa nangangailangan halimbawa, ang hinihingi ng ebanghelyo ay isang basong tubig para sa nauuhaw at pagkain para sa nagugutom. Para sa ordinaryong pananampalataya sapat nang ibigay ang hinihingi ng batas, isang basong tubig at pagkain. Ngunit para sa pananampalatayang nag-aalab pagkatapos ibigay ang hinihingi ng batas, naghahanap pa ng paraan kung paano makakatulong para hindi lamang pawiin ang uhaw o gutom, kundi maiangat ang dignidad ng mga dukha at mamuhay sa kaginhawan bilang mga tunay na anak ng Diyos. Ang pananampalatayang nag-aalab ay tumutulong higit pa sa kailangan.
Ano ang meron ang pananampalatayang nag-aalab na wala ang ordinaryong pananampalataya? Ang pagiging masigasig sa pagsunod kay Kristo. Hindi kuntento sa pagbibigay ayon sa hinihingi ng batas, bagkus nagbibigay ng higit pa sa hinihingi. Hindi kuntento sa pagtulong ayon sa kailangan, bagkus tumutulong ng higit pa sa kailangan.
Wala pong masama kung ang pananampalataya natin ay ordinaryo, tulad ng marami. Pero mas mabuti kung ang pananampalataya natin ay nag-aalab, parang apoy na nagniningas; masigasig na sumusnod sa halimbawa ni Kristo – tumulong ng higit sa kailangan, nagbigay ng higit sa hinihingi. Amen.